Ang Kapayapaan ay Isang TaoHalimbawa

Ang Potensyal ng Mga Bagyo
Bakit parang hindi akma ang galaw ng Diyos sa buhay ko? Ikatutuwa natin ang isang nanganganinag at kalmadong dagat, maraming salamat po!
Gustong-gusto natin ang kaginhawahan. Gusto natin ng mga araw na walang problema at walang mga isyu. Nais natin ng asawa at anak na walang alitan, at mga aparatong-pambahay at sasakyan na hindi kailanman nagloloko. Tinatanaw natin ang anumang abala sa ating iskedyul o plano na malaking problema. Tayo, o silang malalapit sa atin, ay marahil may maling ginagawa. May kailangang magbago!
Kaya lang, ang katakatakang kabaligtaran, ay na kung walang mga bagyo at paghihirap, hindi naman natin kailangan ng kapayapaan!
Ang mga bagyo at paghihirap ay may malaking potensyal na tayo'y wasakin, alisin, tanggalin sa ating layunin, o kahit paano ay, baluktutin ang ating pokus. Ang walang-humpay nating kaaaway ay hindi nagpapalampas ng pagkakataong ihatid ang kanyang mga kasinungalingan at akusasyon sa pag-asang nakawin ang ating kapayapaan, patayin ang ating tiwala at kalauna'y sirain ang ating pananampalataya.
Ngunit ang mga bagyo ay may potensyal ding itatag tayo. Sa bagyo natin nagagamit ang ating pananampalataya at tiwala sa Diyos at ating pagmamahal sa kapwa. Nakapagtataka, hindi kailangan ng anumang pananampalataya para sang-ayunan at paniwalaan ang mga akusasyon ng kaaway: Masyadong mahirap ito. Bale-wala naman anuman ang piliin mo. Isipin mo ang sarili mo! Hindi na 'yan sulit ipaglaban pa. Ang pagtulak laban sa pagkabalisa at pagkabahala ay nangangailangan ng determinadong pagpapakilos ng pananampalataya at paniniwala sa sinasabi at kayang gawin ng Diyos. Pinipili kong pagtiwalaan Ka! Hinihintay Kitang mamagitan para sa akin. Naniniwala akong nakikita Mo ako paanuman at sa anumang paraan, , ang lahat ng ito ay ginagawa Mo para sa aking ikabubuti .
Ano kaya ang mangyayari kung imbes na iwasan natin ang mga bagyo ng buhay, sadya nating kaharapin ang ating mahihirap na sitwasyon? Ano kaya kung tumulak tayo sa kabila ng ating mga pangamba at isuko ang ating kontrol? Ano kaya kung tanawin natin ang mahihirap na sitwasyon na mga pagkakataong lumago sa espirituwal at pagpapalawak ng ating puso? Ano kaya kung ang kahandaan nating kumaharap ng paghihirap ay makapagturo sa ating mga anak at sa kanilang nakapaligid sa atin ng mga bagay na hindi sana nila matututunan?
Isang kamakailang tag-init, 21 miyembro ng aming pamilya, edad 5 hanggang 65, ang tumulak paakyat ng Bundok ng Uncompahgre, isang 14,308 talampakang bundok sa Colorado. Ilang bahaging paakyat ay napakahirap gawin at umubos ng maraming nakahahapong oras. Ilang ulit naming ninais na lang sumuko, pinag-aalinlanganan ang aming ginagawa. Tila palayo nang palayo ang tuktok. Manipis ang hangin at nahirapan kaming huminga. Maraming luha at reklamo noon. Masyadong mahirap ito! Paano kung mahulog tayo? Mamamatay ba tayo? Pinalakas namin ang loob ng isa't isa sa pagsasabi ng, Kaya ko at gagawin ko! Ala Marino! Sa wakas nakaakyat kami sa napakaganda at malapad na kalawakang tila nasa ibabaw ng bung mundo! Kaligayahan, kaginhawahan, kagalakan, kapayapaan! Nagawa namin! Nagawa ng aming mga anak at pati mga batang apo ang isang bagay na pinakamahirap nilang kailanmang magagawa. Magpakailanmang naantig ng mga paghihirap naming pinagdaanan, ang pagbabagong ito ay nananatili sa aming lahat hanggang ngayon.
Ihanda ang iyong puso na asahan ang mga bagyo at paghihirap nang sa ganoon ay hindi ka mabigla kapag nangyari ang mga ito. Mula sa Kanyang kapayapaan at presensya, ikaw ay may baon-baong lakas at lakas ng loob upang maitawid ito. Habang handa kang humahakbang sa mahihirap na sitwasyon at tanawin ang mga itong mga pagkakataong lumago, mas mapapasaiyo ang kumpiyansa at panloob na kalakasan na nagmumula sa Kanyang di nakikitang presensya. Ang mga abilidad mo ay mapagyayaman nang higit sa kailanmang inakala mong posible. Pinakamahalaga sa lahat, masasabihan mo silang sumusunod sa'yo na magagawa rin nilang malampasan ang kanilang mga bagyo, hindi sa sarili nilang kakayahan, kundi nang kasama siyang Kapyapaan sa kanilang puso.
Ang bawat bagyong kaharapin natin ay may potensyal na sirain tayo ngunit siyang Kapayapaan ay nangangakong ingatan ang ating puso at pag-iisip. Kapag buong tapang nating sadyaing harapin ang bagyo, kahawak-kamay Niya, ang mawawala lang sa atin ay ang mga bagay na kailangang mamatay: kasalanan, pagmamataas, pagiging negatibo, pagiging kritikal, pagiging makasarili, paghihinanakit. Mga bagay na nagpapanatili sa atin sa malalim na pagkaalipin at humahadlang sa ating maging ayon sa tawag sa atin ng Diyos. Mga bagay na kailangang mamatay upang magawa nating maging ganap na buhay sa Kanya.
Napagiisip-isip ko ang ngiti ni Jesus kapag nagtitiwala tayo sa Kanya habang inaakay Niya tayo tungo sa kalayaan sa kabilang dako. Kapag ang mga mata natin ay nananatiling nakatuon sa Kanya sa mga pinakamalalim, pinakamadilim na bagyo, magkakaroon tayo ng kapayapaan, dahil ang Kapyapaan ay isang Tao.
Tungkol sa Gabay na ito

Ikaw ba ay naghahanap ng isang mapayapang buhay na protektado sa kaguluhan ng iyong mundo? Hangad mo ba ang isang buhay na lahat ay mapayapa ang takbo, na walang paggambala at alitan? Lahat tayo ay nais iyon, ngunit ang ideyang ito ay malayo sa ating katotohanan. Sa 5-araw na gabay na ito, tuklasin na ang kapayapaan ay hindi ang kawalan ng mga problema o paghihirap. Ang kapayapaan ay ang presensya ni Jesus. Ang Kapayapaan ay isang Tao.
More