Ang Kapayapaan ay Isang TaoHalimbawa
![Peace is a Person](/_next/image?url=https%3A%2F%2Fimageproxy.youversionapi.com%2Fhttps%3A%2F%2Fs3.amazonaws.com%2Fyvplans%2F20000%2F1280x720.jpg&w=3840&q=75)
Ang Kapayapaan ay Isang Tao
Kapayapaan. Madaling araw matapos ang isang bagyo ng niyebe. Pagbukas mo ng pintuan ng bahay ang lahat ay tahimik, nababalutan ng puti. Payapa—lubos na payapa. Mapapangiti ka at tiwasay ang iyong puso. Ngunit pagpasok mo ulit sa iyong bahay, nagtatalo ang mga bata, napakagulo sa kusina at iniisip mo na kung paano mo matutustusan ang lahat ng inyong gastusin. Ugh. Ngayon wala na ang nadamang kapayapaan. Hindi ba maaaring maging sintahimik ng dalisay na tagpong namasdan ko ang aking buhay?
Naghahanap tayo ng mapayapa, tiwasay na buhay na protektado sa kaguluhan ng ating mundo, ating trabaho, at ating pamilya. Isang buhay kung saan ang lahat ay patag ang takbo, na walang paggambala at alitan sa ating mga relasyon. Palagay ang loob. Mapayapa. Tahimik.
“Tumigil kayo.” Ito'y isang paulit-ulit na inutos sa atin ng ating mga magulang habang hindi tayo mapakali at bumabali-balintong sa kanilang mga kalong o mga muwebles at ngayo'y paulit-ulit nating sinasabi sa ating sariling malilikot na mga anak. “Tumigil kayo at bigyan ako ng kaunting kapayapaan! “Tumigil kayo” ay isang kilalang sipi sa Mga Awit 46. “Tumigil kayo at kilalanin ninyo na ako ang Dios.”
Mula sa pagtuturo ng ating mga magulang, tayo ay napaniwalang ang “tumigil kayo” ay nangangahulugang umupo lang at maghintay, ihalukipkip ang mga kamay, hindi gumalaw, at maging tahimik. Ngunit ang salitang “tumigil” sa Awit 46 ay hindi nangangahulugang umupo at walang gawin. Ang pang-isahang Hebreong salita para sa “tumigil” na raphah, ay isang pandiwang nangangahulugang bitawan, magpahingalay, o magpakawala. Na aktibo at sadyang bitawan ang iyong mga inaasahan. Ang asahan ang Diyos na katagpuin ka sa kaguluhan. Na magpahingalay, batid na nakikita ka Niya, kasama mo, at may ganap na kontrol sa iyong sitwasyon. Na magpakawala, sa pagbibigay ng iyong mga problema sa Diyos, ang Tangi na may kapangyarihang tanganan ang lahat ng kalamidad ng buhay at gawing kapayapaan ang mga ito, Kanyang Kapayapaan. Dahil ang tunay at patuloy na kapayapaan ay hindi isang lokasyon o damdamin. Ang Kapayapaan ay isang Tao.
Ang kaloob ng Diyos na kapayapaan ay hindi lang para sa mapapalad, na iilang piling taong nagawang ayusin ang buhay nila, (nasaan naroroon ang mga taong iyon?). Plano ng Diyos na ang lahat ay tumanggap ng Kanyang kapayapaan. Kapayapaan ang unang katangiang sinabi patungkol sa Kanya, ang kauna-unahang deklarasyon ng Kanyang buhay. Purihin ang Dios sa langit! May kapayapaan na sa lupa, sa mga taong kinalulugdan niya!. Lucas 2:14 ASND
Ang proklamasyong ito ay maaari namang inihatid sa mga hari at lider ngunit ang makalangit na anunsiyo ay dinala sa mga pastol sa tabing-burol, itinuturing ng ilan na mababang uri ng manggagawa. Posible kaya itong paghahayag ng mensahe ng Diyos patungkol sa kapayapaan? Maaaring ang kapayapaan ay nakalaan lang sa mga pinakamapagpakumbaba ang lagay ng puso.
Tumigil. Magpakawala. Magpahingalay. Kapayapaan—si Emmanuel—ay kasama mo.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
![Peace is a Person](/_next/image?url=https%3A%2F%2Fimageproxy.youversionapi.com%2Fhttps%3A%2F%2Fs3.amazonaws.com%2Fyvplans%2F20000%2F1280x720.jpg&w=3840&q=75)
Ikaw ba ay naghahanap ng isang mapayapang buhay na protektado sa kaguluhan ng iyong mundo? Hangad mo ba ang isang buhay na lahat ay mapayapa ang takbo, na walang paggambala at alitan? Lahat tayo ay nais iyon, ngunit ang ideyang ito ay malayo sa ating katotohanan. Sa 5-araw na gabay na ito, tuklasin na ang kapayapaan ay hindi ang kawalan ng mga problema o paghihirap. Ang kapayapaan ay ang presensya ni Jesus. Ang Kapayapaan ay isang Tao.
More