Ang KaloobHalimbawa
Yakapin ang Paghakbang Patungo sa Pagkamangha
Ito ang pinakamagandang panahon ng taon, ngunit kung minsan ang listahan ng mga kailangang gawin ay walang katapusan, ang paghahanda ay tila napakahirap, at ang panahon tungo sa Kapaskuhan ay maaaring maging daan sa pagpapaalaala sa atin ng ating pinakamalalim na kabiguan.
Ngunit paano kung piliin nating saglit na ihinto ang kaabalahan ng panahon at simulang tuklasin ang mas malalim na kagalakan? Paano kung magdahan-dahan tayo upang yakapin ang isang paghakbang patungo sa pagkamangha?
Kaya natin. Kaya mo. Ngunit upang maranasan ang pinakamagandang panahon ng taon, kailangang simulan nating gawin itong pinakamapagsambang panahon ng taon. Dahil ang pagkamangha at ang pagsamba ay magkasama.
Maaaring hindi ito maging madali. Maaaring ito ang pinakamahirap na taon mo. Maaaring nakakaranas ka ng pagkawala ng isang mahal sa buhay, o pagkawala ng pangarap, o pagkawala ng inaakala mong magiging buhay mo. Maaaring nasa panahon ka ng paghihintay. Ngunit ang mga nakaraang karanasan mo ay hindi kailangang siyang magdikta ng iyong mga inaasahan sa hinaharap.
Kapag tayo ay sumasamba, nagpapahiwatig tayo ng pagkamangha sa isang tao o sa isang bagay. Sa panahong ito ng taon, lahat tayo ay may dahilan upang sumamba—at hindi ito nakatali sa ating sitwasyon sa kasalukuyan. May dahilan tayong sumamba dahil sa kaloob na natanggap natin sa pamamagitan ni Jesus.
Tingnan na lamang kung anong nangyari noong may ilang matatalinong taong nakarinig tungkol sa kapanganakan ni Jesus:
Ganoon na lamang ang kanilang [ang matatalinong tao] kagalakan nang makita ang bituin. Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ni Maria na kanyang ina. Nagpatirapa sila at sinamba ang bata. Inihandog din nila sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at mira. Mateo 2:10-11MBBTAG12
Sa loob ng ilang daang taon, ang mga tao ay naghihintay. Naghihintay sa Diyos upang tuparin Niya ang Kanyang pangakong ipadala ang ating Tagapagligtas. At ang Pasko ang isa sa pinakamagandang paalala na tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako. Ipinadala Niya sa atin si Jesus bilang pinakasukdulang kaloob upang ipakitang nais ng Diyos na makasama tayo.
Ang matatalinong tao ay nagdiwang nang may di-mapigilang kagalakan. Sila ay napuspos. Lumuhod sila at ginawa ang tanging bagay na maaari mong gawin sa harap ng napakatinding pagkamangha—ang sumamba.
Ngayong Pasko, sa halip na ituon ang isip sa kung anong kailangan mong gawin, sambahin ang Diyos sa ginawa Niya para sa iyo. Sa halip na pagtuunan ang kakulangan mo, pagtuunan ang pag-ibig ng Diyos.
Magdahan-dahan sa paghakbang tungo sa pagkamangha sa pamamagitan ng pagsamba sa Diyos at pagpapasalamat sa Kanya para sa kaloob na si Jesus. Sa mga susunod na araw, pag-uusapan pa natin ang mga matatalinong tao, ang mga kaloob na ibinigay nila kay Jesus, at paanong ang mga kaloob na iyon ay magdadala sa atin sa lugar ng pagsamba. Pag-uusapan natin ang mga praktikal na pamamaraan upang matamong muli ang kagalakan ng Pasko, at sama-sama nating hihilingin sa Diyos na mapanumbalik ang ating damdamin ng pagkamangha.
Manalangin:O Diyos ko, hayaan Mong magdahan-dahan ako sa paghakbang tungo sa pagkamangha ngayong Pasko. Ipaalala Mo sa akin kung sino Ka, at tulungan Mo akong sambahin Ka nang may kagalakan. Tulungan Mo akong ihinto ang pagtutuon ng aking isipan sa mga kailangan kong gawin at magsimulang ituon ito sa kaloob ni Jesus, ang Iyong Anak. Sa pangalan ni Jesus, amen.
Magsanay:Paano mong mapalalaki ang iyong damdamin ng pagkamangha ngayong Pasko? Ano ang ilan sa mga paraan kung paano kang sasamba sa panahong ito?
Tungkol sa Gabay na ito
Ito ang pinakamagandang panahon ng taon, ngunit madalas ay natatagpuan natin ang ating mga sariling nagsusumikap sa panahong patungo sa Kapaskuhan. Sa Paskong ito, ano kaya kung balikan nating muli ang pagkamangha? Sa 5-araw na Gabay sa Biblia na kasama sa serye ni Pastor Craig, ang The Gift, matutuklasan natin kung paanong ang tatlong kaloob na ibinigay kay Jesus ng mga matatalinong tao ay magdadala sa atin sa lugar ng pagkamangha at pagsamba ngayon.
More