Kalayaan Mula sa Pornograpiya Kasama si John BevereHalimbawa
Wasakin ang Kapangyarihan ng Kahihiyan
Sa araw na ito ay gusto kong talakayin ang isa sa mapaminsalang taktika ng kaaway: ang kahihiyan. Ang kaaway ay nangungusap mula sa magkabilang gilid ng kanyang bibig. Tutuksuhin ka niyang pumunta sa madilim na daan, at nangangako na ito ay magdadala ng kaganapan, kagalakan at kasiyahan. Pagkatapos, kapag ikaw ay bumigay na sa tukso, bubulabugin ka nito tungkol dito at kokondenahin. Kung pakikinggan mo ang tinig ng kaaway, ito ay magdadala ng lahat ng uri ng kaguluhan sa iyong buhay.
Normal at marapat lang sa isang mananampalataya na makaramdam ng pagsisisi at pighati dahil nahapis nila ang puso ng Diyos, nasaktan nila ang ibang tao, at nakontento sila sa mas mababa sa pinakamabuti mula sa Diyos kapag sila ay nagkakasala. Tawagin mo na ng kahit ano ang mga ginawa mo—nakakahiya, makasalanan, mali. At pagkatapos ay magsisi—huminto na sa paggawa sa mga bagay na nakakahapis sa puso ng Diyos. Ngunit huwag makinig sa nagkokondenang tinig ng kahihiyan. Hayaan mong ang Diyos ang magbigay-kahulugan sa iyo, hindi ang iyong mga pakikibaka.
Si Pablo, na kinasihan ng Espiritu Santo, ay matapang na nagpahayag, "Kaya nga, hindi na hahatulang maparusahan ang mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus" (Mga Taga-Roma 8:1 RTPV05).
Kapag ikaw ay na kay Cristo, napakahalagang mapagtanto mong hindi ka Niya kinokondena.Wala kang maaaring gawin upang mabawasan ang pagmamahal Niya sa iyo. Siya ay para sa iyo, hindi laban sa iyo. Siya ang iyong tagapagtanggol.
Kaya binibigyan tayo ng sumulat ng Mga Hebreo ng pampalakas sa loob: "Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan" (Mga Hebreo 4:16 RTPV05).
Kung ikaw ay bumagsak, huwag mong hayaan na ang kahihiyan ay panatiliin kang nasa ibaba. Bumangon ka at tumakbo sa mga bisig ng iyong Ama sa Langit. Sa Kanyang yakap, matatagpuan mong ikaw ay hinugasan, nilinis at ginawang banal. Ang kamangha-manghang kapahayagang ito ay hindi magdadala sa iyo pabalik sa kasalanan; sa halip ay uudyukan ka nito tungo sa pagiging matuwid.
Tandaan, ang kabutihan ng Diyos ang nagdadala sa atin sa pagsisisi. Hayaan mong ang pag-ibig Niya ang maglinis sa iyong puso, mabuhay ka nang may pagkamangha sa lahat ng mga ginawa Niya para sa iyo at ibinigay sa iyo sa pamamagitan ni Cristo, at humakbang sa kalayaang binili Niya para sa iyo.
Sana ay nakatulong sa inyo ang limang-araw na debosyonal na ito! Kung nais pa ninyong lumalim pa sa kung paanong mapagtatagumpayan ang pakikibaka laban sa pornograpiya, tingnan ninyo ang Porn Free course, na nagbibigay sa inyo ng isang malawak na gabay upang makalaya at manatiling malaya.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Hindi ito isang gabay na bubugbog sa iyo, na magsasabi sa iyong doblehin mo ang iyong pagsisikap, at ayusin mo ang iyong buhay. Ang gabay na Kalayaan Mula sa Pornograpiya ay aakayin ka, kakatagpuin ka kung saan ka naroon, at sasamahan ka patungo sa kalayaan nang may biyaya at katotohanan.
More