Paghahanap ng Kalayaan mula sa StressHalimbawa
Huminto na sa pagbibigay ng kapangyarihan sa stress.
Ang pariralang "Stressed ako" ay tila nagiging karaniwang pagbati sa panahon ngayon, parang tulad din ng, "Abala ako." At kung tayo ay magiging tapat, kadalasan ay maaari pa nga nating gamitin ang ating stress bilang pinagmumulan ng ating yabang. Ang pagsasabi na tayo ay stressed ay maaaring makapagbigay sa atin ng damdaming tayo ay importante at kahit na maaring hindi natin nagugustuhan ang damdaming naibibigay ng stress, gusto naman natin ang dagdag na naibibigay nito sa ating katayuan.
Sa ating kulturang lahat ay mabilisan, ang stress ay tinitingnang isang karaniwang bagay na lamang. Nawawala na ang hindi magandang kahulugan nito at sa halip ay naiuugnay ito sa matinding paggawa, ambisyon, at pagtatagumpay. Ipinapalagay nating ang mga matatagumpay na tao ay mga taong stressed, kaya't lalo tayong nagsusumikap. At ang kawalan ng stress ay maaaring magbigay ng pakiramdam na tayo ay tamad o walang determinasyon.
Ang bunga? Lalo tayong gumagawa nang gumagawa, na nagdadala sa atin—tama ang hula mo—sa mas matindi pang stress. Napapasobra tayo sa ating pangako dahil hindi tayo makapagsabi ng hindi; nagtitiyaga tayo sa mababaw na pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng mga bagong teknolohiya sa halip na maglaan ng panahon para sa makabuluhang pakikipag-usap; at dahil dito ay nabubuo ang stress sa ating mga pagkatao.
Ngunit ang pagkakaroon ng buhay na sobrang stressed at napakabilis ay hindi ginusto ng Diyos para sa atin. Sinabi ni Jesus na ang ating kaaway ay narito upang magnakaw, pumatay, at mangwasak. Tila sobra naman ito, ngunit ang stress ay nagnanakaw sa atin. Ninanakaw nito ang ating pagtulog. Ninanakaw nito ang ating kaligayahan. Ninanakaw nito ang ating kakayahang mag-isip. At lahat ng kaabalahang nagpapadagdag sa ating stress ay maaaring magdala sa atin upang maabala tayo ng maliliit na bagay at hindi natin mapansin ang malalaking balak ng Diyos para sa atin.
Sa kabilang dako, sinabi ni Jesus na naparito Siya upang bigyan tayo ng buhay at buhay na lubos. Naparito si Jesus dala ang kapayapaan at kasaganaan, na kabaligtaran ng isang buhay na stressed(matinding pagod).
Kaya't panahon na upang muli nating suriin ang ating stress. Itigil na natin ang pagbibigay ng kapangyarihan dito. Itigil na natin ang paggamit dito para sa ating pagmamayabang. Sa halip, gamitin natin ang kakulangan ng stress bilang isang pagkakataon upang tayo ay manindigan, upang tayo ay maiba, at upang maibahagi natin ang ating pananampalataya.
Kapag ang mundong nakapalibot sa atin ay nalulunod na sa stress, pipiliin nating maging mahinahon, tumahimik, at alalahaning ang Diyos ay Diyos. Habang ang ibang tao ay laging nakikipagpaligsahan at inihahambing ang sarili sa ibang tao, magbubunyi at magagalak tayo para sa isa't-isa. Kapag ang ibang tao ay natatabunan na at wala nang pag-asa, tayo ay magiging mga nilalang na may dalang pag-asa at mapapalingon sa atin ang mga hindi mananampalataya at magtatanong sila sa atin kung bakit mayroon tayong pag-asa.
Magkakaroon tayo ng kalayaan mula sa ating stress kapag tumigil tayong bigyan ito ng kapangyarihan at magsimulang bumaling sa pinanggagalingan ng lahat ng kapangyarihan—ang ating Diyos. Kaya't huminto na tayo sa pamumuhay na may stress at sa halip ay tanggapin ang Salita ni Jesus at mabuhay ng buhay na puspos.
Pag-usapan Ito
- Ano sa palagay mo ang mga ugat na sanhi ng iyong stress?
- Ano sa palagay mo ang magiging buhay mo kung tatanggalin mo ang iyong stress?
- Paano mo titigilang bigyan ng kapangyarihan ang stress sa buhay mo?
Tungkol sa Gabay na ito
Ang stress ay totoo, ngunit hindi nito kailangang patakbuhin ang iyong buhay. Kay Cristo, may kakayahan tayong tukuyin, at bigyan ito ng bagong kahulugan. Kung ikaw ay nakakaranas ng stress, suriin mo ang 5-araw na Gabay sa Bibliang ito upang malaman kung paano makakamit ang kalayaan at kapayapaan.
More