Mga Alituntunin sa Pangangasiwa ng Oras Mula sa Salita ng DiyosHalimbawa
Magsabi Ka Lang ng Hindi
Sa pagsisimula ni Marcos sa kanyang pagsasalaysay sa ministeryo ni Jesus, inilalarawan ang isang Tagapagligtas na kabi-kabila ang ginagawang pagpapagaling, pagpapalayas ng mga demonyo mula sa isang lalaking nasa sinagoga at pagpapagaling sa biyenan ni Pedro sa kanyang tahanan sa Capernaum. Nang gabi ring iyon, “dinala ng mga tao ang lahat ng mga maysakit at inaalihan ng demonyo kay Jesus. Ang buong bayan ay nagtipon sa pintuan at maraming pinagaling si Jesus. ”
Hindi naman nakakagulat, kinaumagahan ay humahangos ang mga alagad ni Jesus at sinabi, “Hinahanap ka ng lahat ng tao!” Malinaw na nabalitaan na ng mga taong-bayan ang tungkol sa mapaghimalang kapangyarihan ni Jesus na magpagaling at nais nilang maulit ito sa ikalawang araw. Ngunit nagsabi ng hindi si Jesus. Maaaring nakakagulat sa mga alagad ang sinabi ni Jesus, “Pumaroon tayo sa mga malapit na nayon upang makapangaral din ako doon. Ito ang layuning ng pagparito ko.”
Ito ang kauna-unahan, ngunit walang dudang hindi ito ang pinakahuling pagkakataong maririnig nating sabihin ni Jesus ang salitang “hindi” sa mga ebanghelyo. Bakit nagsabi ng “hindi” si Jesus? Malinaw na may kapangyarihan Siyang magpagaling ng mas marami pang mga tao. Malinaw na may pagnanais Siyang malunasan ang mga kirot sa buhay ng mga tao. Ngunit gusto man ni Jesus na magpagaling ng mas marami pang tao, batid Niyang limitado ang panahon Niya sa mundo upang maisakatuparan ang Kanyang “layunin”. Hindi lamang naparito si Jesus upang magpagaling at ipahayag ang Kanyang pagkatao. Naparito Siya upang mangaral tungkol sa Ebanghelyo bilang paghahanda sa Pagdurusang magaganap sa Kanya sa krus. Napakalinaw kay Jesus ng layunin Niya at ito ang nagtulak sa Kanyang magsabi ng hindi sa mabubuting bagay upang maituon Niya ang Kanyang pag-iisip sa mahalagang bagay na ipinarito Niya sa mundo.
Kung hindi makapagsabi ng oo si Jesus sa lahat ng bagay, maging tayo ay ganoon din. Ikaw at ako ay may limitadong panahon at mapagkukunan. Upang magamit natin sa pinakamabuti ang panahong natitira sa atin, napakahalagang maging napakalinaw sa atin kung ano ang pinaniniwalaan nating pagkatawag sa atin ng Diyos at makagawian nating magsabi ng hindi sa mga pagkakataon—kahit na yaong magagandang pagkakataon—na makakagambala sa ating mahalagang misyon.
Tandaan mo, nabubuhay ka para sa isang layunin! Dalangin kong ang mga nasaliksik nating Salita mula sa Banal na Kasulatan sa loob ng anim na araw ay maging hamon sa atin upang maging matalino sa paggugol ng panahong natitira sa atin sa mundong ito, gamitin ang mga huling oras upang mahalin ang Diyos, mahalin ang kapwa, at gumawa ng mga alagad ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng ating buhay at ng ating trabaho.Kung nagustuhan ninyo ang babasahing gabay na ito, magugustuhan din ninyo ang aking lingguhang debosyonal, na makakatulong pang lalo upang maiugnay ang Ebanghelyo sa inyong trabaho. Magpalista rito.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Nalulungkot ka ba dahil sa hindi humihigit sa 24 ang mga oras sa isang araw? Natatabunan ka ba sa dami ng mga gawaing nakasulat sa iyong listahan ng mga dapat gawin? Pagod ka na ba sa pagiging pagod at walang sapat na panahon upang gugulin sa mga Salita ng Diyos at panahon para rin sa iyong mga kaibigan at pamilya? Ito ang ilan sa mga pangkaraniwang hamong kinakaharap natin sa mundo. Ang mabuting balita ay ang katotohanang ang Biblia ay nagbibigay ng malinaw na mga alituntunin upang mapangasiwaan natin ang ating oras sa maayos na pamamaraan. Ipaliliwanag ng gabay na ito ang mga nakasulat sa Banal na Kasulatan na magbibigay sa iyo ng mga praktikal na payo kung paano mong magagamit nang maayos ang natitira mong panahon sa iyong buhay!
More