Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Alituntunin sa Pangangasiwa ng Oras Mula sa Salita ng DiyosHalimbawa

Time Management Principles From God’s Word

ARAW 1 NG 6

Ang Ating Suliranin sa Pamamahala ng Ating Oras

Maraming humihingi sa akin ng payo pagdating sa pamamahala ng oras. Hindi dahil napagtanto ko na ang lahat tungkol sa paksang ito, kundi dahil marami na akong pinagdaanang pagsasagawa sa paghahanap ng balanse para sa iba't-ibang kapaki-pakinabang na gawain sa aking buhay. Bukod sa pagiging CEO sa isang mapangahas na negosyo na may kinalaman sa bagong teknolohiya, isa rin akong may-akda, at ginagawa ang lahat ng aking makakaya upang matulungan ang aking kapwa Cristiano na maiugnay ang ebanghelyo sa kanilang trabaho. Sa aming tahanan, isa akong asawa at ama ng dalawang napakagagandang batang babae na wala pang tatlong taon ang edad. Para sabihing ang aking buhay ngayon ay nakababaliw ay isang payak na paglalarawan. Ngunit dahil lamang sa biyaya ng Diyos, "nakakaya" kong lahat ito at nakakatulog pa rin ako ng 7-8 oras sa gabi.

Ang mabuting pangangasiwa sa aking oras ay matagal nang hindi naaalis sa isipan ko. Bakit? Sapagkat sa tuwi-tuwina ay pinaaalalahanan tayo ng Biblia na ang mga buhay natin ay "parang usok lamang, sandaling lumilitaw at agad na nawawala" (Santiago 4:14). May dahilan ang Diyos kung bakit pinananatili Niya tayo dito sa mundo: upang Siya ay mahalin, upang mahalin natin ang ating kapwa, at upang gumawa ng mga alagad ni Jesu-Cristo. Tayo ay mga nilalang na may layunin. Hindi tayo nilikha upang umupo-upo lamang at hintayin ang walang hanggan. Tinawag tayo upang makisalamuha dito sa mundo, upang lumikha ng isang kultura, upang maging mabunga sa paglilingkod para sa pangangailangan ng mga taong nasa paligid natin sa pamamagitan ng ating mga buhay at sa ating mga trabaho. Sa maikling salita, tinawag tayo ng Diyos upang samahan Siya sa Kanyang misyong tubusin ang mundo. 

Dahil sa kalakhan ng misyong ito at dahil sa tumatakbo ang panahon, nararapat tayong maging mga nilalang na lubus-lubusan ang layunin sa planetang ito, at nararapat tayong mabuhay nang may damdamin ng pagmamadali, na laging ninanais na magamit sa pinakamabuting paraan ang mahalagang oras na ibinigay sa atin. Kaya nga binabasa mo ngayong ang debosyonal na ito! Sa mga susunod na araw, sabay nating hahalukayin ang mga Salita ng Diyos upang maihayag ang ilan sa mga alituntunin tungkol sa pangangasiwa ng ating oras mula mismo sa mga Salita ng Diyos. Ngunit paaalalahanan na kita ngayon pa lamang na hindi ito isang madaling proseso. Kung magkaganoon, hindi sana tayo nagsusumikap sa tuwi-tuwina sa suliraning ito, Sa pagtatapos ng araw, ang matagumpay na pangangasiwa ng iyong oras ay nagbubuhat sa kasipagan at disiplina (Mga Kawikaan 21:5). Makikita natin na sa pagiging displinado natin sa ating oras, magkakaroon tayo ng panahon upang maibigay ang pinakadakilang ambag natin sa mundo sa ngalan ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Handa ka na bang gawin ang pinakamainam sa limitadong oras na ibinigay sa iyo ng Panginoon? Simulan na natin!

Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

Time Management Principles From God’s Word

Nalulungkot ka ba dahil sa hindi humihigit sa 24 ang mga oras sa isang araw? Natatabunan ka ba sa dami ng mga gawaing nakasulat sa iyong listahan ng mga dapat gawin? Pagod ka na ba sa pagiging pagod at walang sapat na panahon upang gugulin sa mga Salita ng Diyos at panahon para rin sa iyong mga kaibigan at pamilya? Ito ang ilan sa mga pangkaraniwang hamong kinakaharap natin sa mundo. Ang mabuting balita ay ang katotohanang ang Biblia ay nagbibigay ng malinaw na mga alituntunin upang mapangasiwaan natin ang ating oras sa maayos na pamamaraan. Ipaliliwanag ng gabay na ito ang mga nakasulat sa Banal na Kasulatan na magbibigay sa iyo ng mga praktikal na payo kung paano mong magagamit nang maayos ang natitira mong panahon sa iyong buhay!

More

Nais naming pasalamatan si Jordan Raynor sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang: http://www.jordanraynor.com/time/