Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Awit 119:97-109

Mga Awit 119:97-109 RTPV05

O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig, araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip. Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan, kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway. Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit, pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip. Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda, pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira. Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama, ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita. Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin, pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin. O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay, matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay. Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan, kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay. Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw. Taimtim ang pangako kong ang utos mo ay susundin, tutupdin ko ang tuntuning iniaral mo sa akin. Labis-labis, O Yahweh, ang hirap kong tinataglay, sang-ayon sa pangako mo, pasiglahin yaring buhay. Ang handog kong pasalamat, Yahweh, sana ay tanggapin, yaong mga tuntunin mo ay ituro mo sa akin. Ako'y laging nakahandang magbuwis ng aking buhay; pagkat di ko malilimot yaong iyong kautusan.