Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Kawikaan 12:18-27

Mga Kawikaan 12:18-27 RTPV05

Ang matalas na pananalita ay sumusugat ng damdamin, ngunit sa magandang pananalita, sakit ng loob ay gumagaling. Ang tapat na labi ay mananatili kailanman, ngunit ang dilang sinungaling ay hindi magtatagal. Ang nagbabalak ng masama ay mag-aani ng kapahamakan, ngunit ang nag-iisip ng mabuti'y magtatamo ng kagalakan. Ang kasamaang-palad ay malayo sa matuwid, ngunit ang buhay ng masama ay puno ng ligalig. Namumuhi si Yahweh sa taong sinungaling, ngunit ang tapat ay ligaya niya at aliw. Hindi agad sinasabi ang alam ng matalino, ngunit kahangalan ay inihahayag ng mangmang na tao. Balang araw ang masikap ang mamamahala, ngunit ang tamad ay mananatiling alila. Nagpapahina sa loob ng isang tao ang kabalisahan, ngunit ang magandang balita'y may dulot na kasiglahan. Ang payo ng kaibigang matuwid ay isang gabay, ngunit ang daan ng masama ay tungo sa pagkaligaw. Hindi makakamit ng tamad ang kanyang hinahangad, ngunit ang masikap ay laging may magandang hinaharap.