Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 27:45-61

Mateo 27:45-61 RTPV05

Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus, “ Eli, Eli, lema sabachthani? ” na ang ibig sabihi'y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Ito'y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya't sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” May isang tumakbo at kumuha ng espongha, binasa ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus. Sinabi naman ng iba, “Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!” Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga. Biglang nahati ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa at nabiyak ang mga bato. Nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang maraming banal na namatay. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa banal na lunsod, at doo'y marami ang nakakita sa kanila. Nasindak ang opisyal at ang mga kawal na nagbabantay kay Jesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. Sabi nila, “Tunay na siya'y Anak ng Diyos!” Naroon din ang maraming mga babaing nakatanaw mula sa malayo. Mula pa sa Galilea, sila'y sumunod na naglilingkod kay Jesus. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang asawa ni Zebedeo. Pagsapit ng dilim, dumating si Jose, ang isang mayamang taga-Arimatea na tagasunod din ni Jesus. Hiningi niya kay Pilato ang bangkay ni Jesus, kaya't iniutos ni Pilato na ibigay ito kay Jose. Nang makuha na ang bangkay, binalutan niya ito ng malinis na tela ng lino. Inilagay niya ito sa kanyang bagong libingan na ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan ang isang malaking batong panakip, at saka umalis. Kasama sa paglilibing sina Maria Magdalena at ang isa pang Maria; nakaupo sila sa tapat ng libingan.