Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 27:45-61

MATEO 27:45-61 ABTAG01

Mula nang oras na ikaanim ay nagdilim sa buong lupain hanggang sa oras na ikasiyam. At nang malapit na ang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig, na sinasabi, “Eli, Eli, lama sabacthani?” na ang kahulugan ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” At nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon ay sinabi nila, “Tinatawag ng taong ito si Elias.” Tumakbo kaagad ang isa sa kanila at kumuha ng isang espongha, pinuno ito ng suka, inilagay sa isang tambo, at ibinigay sa kanya upang inumin. Ngunit sinabi ng iba, “Pabayaan ninyo siya, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya.” At muling sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig at nalagot ang kanyang hininga. At nang sandaling iyon, ang tabing ng templo ay napunit sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba; nayanig ang lupa; at nabiyak ang mga bato. Nabuksan ang mga libingan at maraming katawan ng mga banal na natulog ay bumangon, at paglabas nila sa mga libingan pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay ay pumasok sila sa banal na lunsod at nagpakita sa marami. Nang makita ng senturion at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga bagay na nangyari, sila'y lubhang natakot, at nagsabi, “Tunay na ito ang Anak ng Diyos.” At marami ding babae roon na nakatanaw mula sa malayo na sumunod kay Jesus buhat sa Galilea, na naglingkod sa kanya. Kasama sa mga iyon ay si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo. Kinagabihan, dumating ang isang mayamang mula sa Arimatea, na ang pangalan ay Jose, na naging alagad din ni Jesus. Pumunta ang taong ito kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At ipinag-utos ni Pilato na ibigay iyon. Kinuha ni Jose ang bangkay at binalot niya iyon ng isang malinis na telang lino, at inilagay sa kanyang sariling bagong libingan, na kanyang inukit sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan, at siya'y umalis. Si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay naroon at nakaupo sa tapat ng libingan.