Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas, “Eloi, Eloi, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?” Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias.” Agad namang tumakbo ang isang tao at kumuha ng espongha at isinawsaw sa maasim na alak. Ikinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Jesus upang sipsipin niya. Pero sinabi naman ng iba, “Hayaan mo siya. Tingnan natin kung darating nga si Elias para iligtas siya.” Muling sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga. Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng templo. Lumindol sa buong lupain at nagkabitak-bitak ang mga bato. Nabuksan ang mga libingan at maraming banal ang muling nabuhay. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Jesus, pumunta sila sa Jerusalem at marami ang nakakita sa kanila. Ang kapitan at ang kanyang mga sundalo na nagbabantay kay Jesus ay nasindak nang mayanig ang lupa at nang makita ang mga pangyayari. Sinabi nila, “Totoo ngang siya ang Anak ng Dios!” Sa di-kalayuan ay maraming babae na nanonood sa mga pangyayari. Noong umalis si Jesus sa Galilea, sumunod ang mga babaeng ito sa kanya at tinulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. Kabilang sa kanila si Maria na taga-Magdala, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang asawa ni Zebedee. Nang magtakip-silim, isang mayamang lalaki na taga-Arimatea ang dumating. Siya ay si Jose na isa ring tagasunod ni Jesus. Pumunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At iniutos naman ni Pilato na ibigay ito sa kanya. Kaya kinuha ni Jose ang bangkay at binalot ng malinis na telang linen. Inilagay niya ito sa bagong libingang hinukay sa gilid ng burol, na ipinagawa niya para sana sa sarili. Pagkatapos, pinagulong niya ang isang malaking bato upang takpan ang pintuan ng libingan, at saka siya umalis. Si Maria na taga-Magdala at ang isa pang Maria ay naroong nakaupo sa harap ng libingan.
Basahin Mateo 27
Makinig sa Mateo 27
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng Bersyon: Mateo 27:45-61
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas