Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 1:57-80

Lucas 1:57-80 RTPV05

Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet at nagsilang siya ng isang sanggol na lalaki. Tuwang-tuwa ang kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak nang mabalitaan nilang siya'y pinagpala ng Panginoon. Makalipas ang isang linggo, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang itatawag nila sa bata, gaya ng pangalan ng kanyang ama, ngunit sinabi ni Elisabet, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” “Subalit wala naman kayong kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila. Sinenyasan nila ang kanyang ama upang itanong kung ano ang ibig nitong itawag sa sanggol. Humingi si Zacarias ng masusulatan at ganito ang kanyang isinulat, “Juan ang pangalan niya.” Namangha ang lahat. Noon din ay nakapagsalita si Zacarias, at nagsimulang magpuri sa Diyos. Natakot ang lahat ng tagaroon, at naging usap-usapan sa buong bulubundukin ng Judea ang mga bagay na iyon. Pinag-isipan ito ng mga nakabalita, anupa't naging tanong nilang lahat, “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na nasa kanya ang Panginoon. Si Zacarias na ama ng bata ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos: “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel! Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan. Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas, mula sa angkan ni David na kanyang lingkod. Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta, na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway, mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin. Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno, at aalalahanin ang kanyang banal na tipan. Ipinangako niya sa ating ninunong si Abraham, na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway, upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot, at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay. Ikaw, anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos; sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan, at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan, ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos. Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan. Tatanglawan niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan, at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan.” Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya'y nanirahan sa ilang, hanggang sa araw na magpakilala siya sa bansang Israel.