Naganap nga kay Elisabet ang panahon ng panganganak; at siya'y nanganak ng isang lalake.
At nabalitaan ng kaniyang mga kapitbahay at mga kamaganak, na dinakila ng Panginoon ang kaniyang awa sa kaniya; at sila'y nangakigalak sa kaniya.
At nangyari, na nang ikawalong araw ay nagsiparoon sila upang tuliin ang sanggol; at siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kaniyang ama.
At sumagot ang kaniyang ina at nagsabi, Hindi gayon; kundi ang itatawag sa kaniya'y Juan.
At sinabi nila sa kaniya, Wala sa iyong kamaganak na tinatawag sa pangalang ito.
At hinudyatan nila ang kaniyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag.
At humingi siya ng isang sulatan at sumulat, na sinasabi, Ang kaniyang pangalan ay Juan. At nagsipanggilalas silang lahat.
At pagdaka'y nabuka ang kaniyang bibig, at ang kaniyang dila'y nakalag, at siya'y nagsalita, na pinupuri ang Dios.
At sinidlan ng takot ang lahat ng nagsisipanahan sa palibot nila; at nabansag ang lahat ng mga bagay na ito sa lahat ng lupaing maburol ng Judea.
At lahat ng mga nangakarinig nito ay pawang iningatan sa kanilang puso, na sinasabi, Magiging ano nga kaya ang batang ito? Sapagka't ang kamay ng Panginoon ay sumasa kaniya.
At si Zacarias na kaniyang ama ay napuspos ng Espiritu Santo, at nanghula, na nagsasabi,
Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel;
Sapagka't kaniyang dinalaw at tinubos ang kaniyang bayan,
At nagtaas sa atin ng isang sungay ng kaligtasan
Sa bahay ni David na kaniyang alipin
(Gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang mga banal na propeta na nagsilitaw buhat nang unang panahon),
Kaligtasang mula sa ating mga kaaway, at sa kamay ng lahat ng nangapopoot sa atin;
Upang magkaawang-gawa sa ating mga magulang,
At alalahanin ang kaniyang banal na tipan;
Ang sumpa na isinumpa niya kay Abraham na ating ama,
Na ipagkaloob sa atin na yamang nangaligtas sa kamay ng ating mga kaaway,
Ay paglingkuran natin siya ng walang takot,
Sa kabanalan at katuwiran sa harapan niya, lahat ng ating mga araw.
Oo at ikaw, sanggol, tatawagin kang propeta ng kataastaasan;
Sapagka't magpapauna ka sa unahan ng mukha ng Panginoon, upang ihanda ang kaniyang mga daan;
Upang maipakilala ang kaligtasan sa kaniyang bayan,
Sa pagkapatawad ng kanilang mga kasalanan,
Dahil sa magiliw na habag ng aming Dios,
Ang pagbubukang liwayway buhat sa kaitaasan ay dadalaw sa atin,
Upang liwanagan ang nangakalugmok sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan;
Upang itumpak ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.
At lumaki ang sanggol, at lumakas sa espiritu, at nasa mga ilang hanggang sa araw ng kaniyang pagpapakita sa Israel.