Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 1:57-80

LUCAS 1:57-80 ABTAG01

Dumating na kay Elizabeth ang panahon ng panganganak at siya'y nagsilang ng isang anak na lalaki. Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na nagpakita ang Panginoon ng dakilang awa sa kanya at sila'y nakigalak sa kanya. Nang ikawalong araw ay dumating sila upang tuliin ang sanggol. Siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kanyang ama, ngunit sumagot ang kanyang ina at nagsabi, “Hindi. Ang itatawag sa kanya ay Juan.” At sinabi nila sa kanya, “Wala kang kamag-anak na may ganitong pangalan.” Sinenyasan nila ang kanyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol. Humingi siya ng isang sulatan at kanyang isinulat, “Ang kanyang pangalan ay Juan.” At namangha silang lahat. Biglang nabuksan ang kanyang bibig, nakalaya ang kanyang dila, at siya'y nagsalita na pinupuri ang Diyos. Nagkaroon ng takot ang lahat ng nakatira sa palibot nila, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pinag-usapan sa buong lupaing maburol ng Judea. Lahat ng mga nakarinig ay inilagay ang mga ito sa kanilang puso, na sinasabi, “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat ang kamay ng Panginoon ay sumasakanya. Si Zacarias na kanyang ama ay napuno ng Espiritu Santo at sinabi ang propesiyang ito, “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, sapagkat kanyang dinalaw at tinubos ang kanyang bayan, at nagtaas ng isang sungay ng kaligtasan para sa atin sa sambahayan ni David na kanyang lingkod, gaya nang sinabi niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula noong unang panahon, upang tayo ay maligtas mula sa ating mga kaaway, at mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin, upang ipakita ang habag sa ating mga magulang, at alalahanin ang kanyang banal na tipan, ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham, na ipagkaloob sa atin, na tayong iniligtas mula sa kamay ng ating mga kaaway, ay maglingkod sa kanya nang walang takot, sa kabanalan at katuwiran sa harapan niya sa lahat ng ating mga araw. At ikaw, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan, sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daan; upang magbigay ng kaalaman ng kaligtasan sa kanyang bayan, sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan, sa pamamagitan ng magiliw na habag ng ating Diyos, kapag ang pagbubukang-liwayway buhat sa itaas ay sumilay sa atin, upang bigyang-liwanag ang mga nakaupo sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan, upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.” Lumaki ang sanggol at lumakas sa espiritu. At siya ay nasa mga ilang hanggang sa araw ng kanyang pagpapakita sa Israel.