Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Levitico 7:11-34

Levitico 7:11-34 RTPV05

“Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog pangkapayapaan. Kung ito'y inihandog bilang pasasalamat, ang handog ay sasamahan ng tinapay na walang pampaalsa. Ito'y maaaring makakapal na tinapay na yari sa harinang minasa sa langis, o maninipis na tinapay na pinahiran ng langis, o tinapay na yari rin sa harinang minasa sa langis. Ang mga ito ay isasama sa tinapay na may pampaalsa at sa handog pangkapayapaan bilang pagpapasalamat. Sa bawat uri ng tinapay ay magbubukod ng isang ihahandog kay Yahweh at ito'y kukunin ng paring nagbuhos ng dugo ng handog pangkapayapaan. Ang laman ng handog pangkapayapaan bilang pagpapasalamat ay kakaining lahat sa araw ng paghahandog; walang dapat itira para kinabukasan. “Ngunit kung ang handog pangkapayapaan ay panata o kusang-loob, makakain iyon sa araw ng paghahandog at ang matitira'y maaaring kainin sa kinabukasan. Kung mayroon pa ring natira sa ikatlong araw, dapat nang sunugin iyon. Kapag may kumain pa nito, ang handog na iyo'y hindi tatanggapin at mawawalan ng kabuluhan. Iyo'y magiging kasuklam-suklam at pananagutin ang sinumang kumain niyon. Ang handog na karneng nadampian ng anumang bagay na marumi ay hindi dapat kainin; dapat itong sunugin. “Ang sinumang malinis ayon sa batas ay maaaring kumain ng karneng ito. Ngunit ang kumain ng karneng handog pangkapayapaan nang di nararapat ay ititiwalag sa bayan ng Diyos. Ititiwalag sa sambahayan ng Diyos ang sinumang makahawak ng marumi: tao, hayop o anumang bagay na karumal-dumal, at pagkatapos ay kumain ng handog pangkapayapaan.” Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa bayang Israel na huwag silang kakain ng taba ng baka, tupa o kambing. Ang taba ng hayop na kusang namatay o ng hayop na niluray ng kapwa hayop ay maaaring gamitin sa ibang bagay, huwag lamang kakainin. Kaya, ang sinumang kumain ng taba ng hayop na inihandog kay Yahweh ay ititiwalag sa sambayanan. At kahit saan kayo naroon, huwag kayong kakain ng dugo ng anumang hayop o ibon. Ang sinumang kumain nito ay ititiwalag sa sambayanan ng Diyos.” Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo rin ito sa bayang Israel: ‘Ang sinumang maghahandog para sa kapayapaan ay magbubukod ng bahagi nito para sa akin. Siya mismo ang maghahandog nito. Dadalhin din niya ang taba at dibdib nito sa harap ng altar upang ihain bilang tanging handog. Kukunin ng pari ang taba nito at susunugin sa altar, ngunit ang dibdib ay ibibigay kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ang kanang hita naman ay ibibigay sa paring nagbuhos ng dugo sa altar at nagsunog ng tabang handog pangkapayapaan. Sapagkat iniuutos ko sa bayang Israel na ang dibdib at ang hita ng hayop na handog pangkapayapaan ay ipagkakaloob kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ito'y panghabang panahong tungkulin ng bayang Israel.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya