Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Leviticus 7:11-34

Leviticus 7:11-34 ASND

Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog para sa mabuting relasyon na iniaalay sa PANGINOON. Kung ang hayop na handog para sa mabuting relasyon ay inialay bilang handog ng pagpapasalamat sa PANGINOON, sasamahan niya ito ng tinapay. Magdadala siya ng tinapay na walang pampaalsa katulad ng makapal na tinapay na hinaluan ng langis, manipis na tinapay na pinahiran ng langis, at tinapay na mula sa magandang klaseng harina na hinaluan ng langis. Maliban dito, magdadala rin siya ng tinapay na may pampaalsa. Siyaʼy maghahandog mula sa bawat uri ng tinapay na ito bilang kaloob sa PANGINOON. At ang mga tinapay na ito na inihandog ay para na sa paring nagwiwisik ng dugo ng hayop na handog para sa mabuting relasyon. Ang karne ng hayop na inihandog bilang pagpapasalamat sa PANGINOON ay dapat kainin ng taong naghandog nito at ng sambahayan niya at ng mga pari sa araw ding iyon, at dapat walang matira kinaumagahan. Pero kung ang kanyang handog para sa mabuting relasyon ay inialay niya bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, ang karne ay makakain sa araw ng paghahandog at ang matitira ay maaari pa ring kainin kinabukasan. At kung mayroon pa ring matira hanggang sa pangatlong araw, dapat na itong sunugin. Kapag may kumain pa nito sa pangatlong araw, hindi na tatanggapin ng PANGINOON ang handog na ito at magiging walang kabuluhan ang handog niya. Ang handog na ito ay ituturing na kasuklam-suklam at magiging pananagutan pa ng sinumang kumain nito. Kapag ang karne ay hindi sinasadyang nadikit sa anumang bagay na itinuturing na marumi, hindi na iyon dapat kainin, kundi susunugin na lang. Tungkol sa mga karneng maaaring kainin, itoʼy maaaring kainin ng sinumang itinuturing na malinis ayon sa batas. Pero ang sinumang itinuturing na marumi at kakain ng karneng handog para sa mabuting relasyon ay huwag ninyong ituring na kababayan. Ang sinumang nakahipo ng mga bagay na itinuturing na marumi, katulad ng dumi o sakit ng taong nakakahawa, hayop na itinuturing na marumi, o anumang bagay na kasuklam-suklam at pagkatapos ay kumain ng karne na inihandog sa PANGINOON ay huwag na ninyong ituring na kababayan. Nag-utos ang PANGINOON kay Moises na sabihin ito sa mga taga-Israel: Huwag kayong kakain ng taba ng baka, tupa o kambing. Ang taba ng hayop na namatay o pinatay ng ibang hayop ay maaari ninyong gamitin sa anumang nais ninyo, pero huwag ninyong kakainin. Ang sinumang kakain ng taba ng hayop na maaaring ihandog sa PANGINOON ay huwag na ninyong ituring na kababayan. At saan man kayo tumira, huwag kayong kakain ng dugo ng hayop o ibon. Ang sinumang kakain ng dugo ay huwag na ninyong ituring na kababayan. Nag-utos din ang PANGINOON kay Moises na sabihin ito sa mga taga-Israel: Ang sinumang mag-aalay ng handog para sa mabuting relasyon ay dapat magbukod ng bahagi ng handog na iyon para sa PANGINOON na ibibigay sa mga pari. At ang bahaging iyon ng handog ay dadalhin mismo ng maghahandog sa altar upang ialay sa PANGINOON bilang handog sa pamamagitan ng apoy. Dadalhin niya ang taba at pitso ng hayop, at itataas niya ang pitso sa presensya ng PANGINOON bilang handog na itinataas. Pagkatapos, susunugin ng paring namumuno ng seremonya ang taba sa altar, pero ang pitso ay para kay Aaron at sa kanyang angkan. Ang kanang hita ng hayop na inihandog ay ibibigay sa paring naghahandog ng dugo at taba nito. Sapagkat ibinibigay ng PANGINOON ang pitso at paa ng inyong handog kay Aaron at sa kanyang mga angkan. Ito ang bahaging para sa kanila magpakailanman.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya