Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LEVITICO 7:11-34

LEVITICO 7:11-34 ABTAG01

“Ito ang batas tungkol sa alay na mga handog pangkapayapaan na ihahandog sa PANGINOON. Kung ihahandog niya iyon bilang pasasalamat, ihahandog niyang kasama ng alay ang mga maninipis na tinapay na walang pampaalsa na hinaluan ng langis, mga munting tinapay na hinaluan ng langis, at manipis na tinapay na gawa sa magandang uri ng harina na hinaluan ng langis. Ihahandog niya ang kanyang alay na munting tinapay na walang pampaalsa kasama ng alay na handog pangkapayapaan para sa pasasalamat. At mula sa mga iyon, siya ay mag-aalay ng isang tinapay sa bawat handog, bilang isang handog sa PANGINOON; ito ay mapupunta sa paring magwiwisik ng dugo ng mga handog pangkapayapaan. Ang laman ng handog pangkapayapaan bilang pasasalamat ay kakainin sa araw ng paghahandog nito; hindi siya magtitira nito hanggang sa umaga. Ngunit kung ang alay na kanyang inihahandog ay isang panata o kusang-loob na handog, ito ay kakainin sa araw ng kanyang paghahandog; at sa kinaumagahan ay kanyang kakainin ang nalabi rito; subalit ang nalabi sa laman ng alay sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy. Kung kakainin sa ikatlong araw ang alinmang bahagi ng laman ng alay na handog pangkapayapaan, ito ay hindi tatanggapin. Ito ay hindi ibibilang sa kanya na naghahandog niyon; ito ay magiging kasuklamsuklam, at ang taong kumain nito ay magkakasala. “Ang laman na mapasagi sa anumang bagay na marumi ay hindi kakainin; ito ay susunugin sa apoy. Tanging ang lahat na malinis ang makakakain ng gayong laman. Ngunit ang taong kumakain ng laman ng alay na mga handog pangkapayapaan na para sa PANGINOON na nasa maruming kalagayan ay ititiwalag sa kanyang bayan. Kapag ang isang tao ay humipo sa anumang maruming bagay, maging ng dumi ng tao, o ng hayop na marumi, o anumang kasuklamsuklam, at pagkatapos ay kumain ng laman ng alay na mga handog pangkapayapaan na para sa PANGINOON, ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.” Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises, na sinasabi: “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, huwag kayong kakain ng anumang taba ng baka, ng tupa, o ng kambing. Ang taba ng namatay sa kanyang sarili, at ang taba ng nilapa ng hayop, ay magagamit sa anumang paggagamitan, ngunit sa anumang paraan ay huwag ninyong kakainin. Sapagkat sinumang kumain ng taba ng hayop na iyon kung saan ang handog ay pinaraan sa apoy para sa PANGINOON, ay ititiwalag sa kanyang bayan. At huwag kayong kakain ng anumang dugo maging ng ibon o ng hayop, sa lahat ng inyong tahanan. Sinumang kumain ng anumang dugo ay ititiwalag sa kanyang bayan.” Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises, na sinasabi: “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, Ang naghahandog sa PANGINOON ng handog pangkapayapaan ay magdadala sa PANGINOON ng handog na mula sa kanyang mga handog pangkapayapaan. Ang kanyang sariling mga kamay ang magdadala sa PANGINOON ng mga handog na pinaraan sa apoy; dadalhin niya ang taba kasama ang dibdib upang iwagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng PANGINOON. Susunugin ng pari ang taba sa ibabaw ng dambana, subalit ang dibdib ay magiging kay Aaron at sa kanyang mga anak. At ang kanang hita ay ibibigay ninyo sa pari bilang handog mula sa alay ng inyong mga handog pangkapayapaan. Ang anak ni Aaron na naghahandog ng dugo ng mga handog pangkapayapaan at ng taba ang tatanggap ng kanang hita bilang bahagi. Sapagkat aking kinuha sa mga anak ni Israel, sa kanilang mga alay na mga handog pangkapayapaan, ang dibdib na iwinagayway at ang hitang inialay, at aking ibinigay sa paring si Aaron at sa kanyang mga anak, sa pamamagitan ng isang walang hanggang bahagi na nauukol sa kanila, mula sa mga anak ni Israel.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya