Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Panaghoy 3:1-20

Mga Panaghoy 3:1-20 RTPV05

Naranasan ko kung gaano kahirap ang maparusahan ng Diyos. Itinaboy niya ako sa lugar na wala kahit bahagyang liwanag. Walang awa niya akong hinahampas sa buong maghapon. Tadtad ng sugat ang buo kong katawan at bali-bali ang aking mga buto. Ibinilanggo niya ako sa kalungkutan at pagdurusa. Isinadlak niya ako sa kadiliman, laging nasa bingit ng kamatayan. Ginapos niya ako para hindi makatakas, pinalibutan ako ng pader na mataas. Nanambitan man ako at humingi ng tulong, hindi niya dininig ang aking dalangin. Susuray-suray ako sa tindi ng hirap, at kahit saan ako bumaling ay may pader na nakaharang. Siya'y parang osong nag-aabang sa akin; at parang leong nag-aantay. Hinabol niya ako saka niluray; at iniwang nakahandusay. Iniakma niya ang kanyang pana, at ako ang ginawang tudlaan. Tinamaan ako sa aking puso ng kanyang mga palaso. Buong araw ako'y pinagtatawanan; sa mga kwentuhan ako ay biruan. Pawang kapaitan at kalungkutan ang ipinalasap niya sa akin. Inginudngod niya sa lupa ang aking mukha at idinikdik sa bato ang aking bibig. Naglaho sa akin ang bakas ng kalusugan, maging kapayapaan at kaligayahan man. Kaya't sinasabi ko, “Nawala na ang aking lakas at ang aking pag-asa kay Yahweh.” Simpait ng apdo ang alalahanin sa aking paghihirap at kabiguan. Lagi ko itong naaalaala, at ako'y labis na napipighati.