Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA PANAGHOY 3:1-20

MGA PANAGHOY 3:1-20 ABTAG01

Ako ang taong nakakita ng pagdadalamhati dahil sa pamalo ng kanyang poot. Itinaboy niya ako at dinala sa kadiliman, at hindi sa liwanag; tunay na laban sa akin ay kanyang paulit-ulit na ipinihit ang kanyang kamay sa buong maghapon. Pinapanghina niya ang aking laman at aking balat, at binali niya ang aking mga buto. Sinakop at kinulong niya ako sa kalungkutan at paghihirap. Pinatira niya ako sa kadiliman, gaya ng mga matagal nang patay. Binakuran niya ako upang ako'y hindi makatakas; pinabigat niya ang aking tanikala. Bagaman ako'y dumaraing at humihingi ng tulong, kanyang pinagsasarhan ang aking panalangin; kanyang hinarangan ang aking mga daan ng tinabas na bato, kanyang iniliko ang mga landas ko. Para sa akin ay gaya siya ng oso na nag-aabang, parang leon na nasa kubling dako. Iniligaw niya ang aking mga lakad, at ako'y pinagputul-putol; ginawa niya akong wasak. Binanat niya ang kanyang busog at ginawa akong tudlaan para sa kanyang pana. Pinatusok niya sa aking puso ang mga palaso mula sa kanyang lalagyan. Ako'y naging katatawanan sa lahat ng aking kababayan, ang pasanin ng kanilang awit sa buong maghapon. Pinuno niya ako ng kapanglawan, kanyang pinapagsawa ako ng katas ng mapait na halaman. Dinurog niya ng mga bato ang ngipin ko, at pinamaluktot ako sa mga abo. Ang aking kaluluwa ay inilayo sa kapayapaan; nalimutan ko na kung ano ang kaligayahan. Kaya't aking sinabi, “Wala na ang aking kaluwalhatian, at ang aking pag-asa sa PANGINOON.” Alalahanin mo ang aking paghihirap at ang aking kapaitan, ang katas ng mapait na halaman at ng apdo. Patuloy itong naaalala ng aking kaluluwa at yumuyuko sa loob ko.