Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Sa pasimula ay kasama na siya ng Diyos. Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Ang nilikha sa kanya ay may buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman.
At naparito si Juan na isinugo ng Diyos upang magpatotoo sa mga tao patungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya dito. Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo patungkol sa ilaw. Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao.
Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya. Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. Sila nga ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao kundi ang pagiging anak nila ay dahil sa kalooban ng Diyos.
Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.
Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya. Isinisigaw niya, “Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, ‘Ang darating na kasunod ko'y higit kaysa sa akin, sapagkat siya ay naroon na bago pa man ako ipanganak.’”
Dahil siya'y puspos ng pag-ibig, naranasan natin ang masaganang kagandahang-loob ng Diyos. Dumating ang Kautusan sa amin sa pamamagitan ni Moises; ngunit sa pamamagitan naman ni Jesu-Cristo ay dumating ang kagandahang-loob at katotohanan. Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit siya ay ipinakilala ng kaisa-isang Diyos na lubos na minamahal ng Ama.
Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng ilang paring Judio at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, “Hindi ako ang Cristo.”
“Sino ka kung gayon?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?”
“Hindi ako si Elias,” tugon niya.
“Ikaw ba ang Propeta?”
Sumagot siya, “Hindi rin.”
“Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi naman kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” tanong nilang muli.
Sumagot si Juan sa pamamagitan ng pangungusap mula sa aklat ni Propeta Isaias,
“Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang,
‘Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.’”
Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?”
Sumagot si Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. Darating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas.”
Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan.
Kinabukasan, nakita ni Juan na si Jesus ay lumalapit sa kanya. Kaya't sinabi niya, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong ang dumarating na kasunod ko ay higit sa akin, sapagkat siya'y naroon na bago pa man ako ipanganak. Hindi ko rin siya kilala noon subalit ako'y naparitong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”
Ganito ang patotoo ni Juan: “Nakita ko ang Espiritu na bumababa na parang isang kalapati na buhat sa langit at nanatili sa kanya. Hindi ko nga siya kilala noon. Ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ang siya ring nagsabi sa akin, ‘Ang sinumang makikita mong bababaan at pananatilihan ng Espiritu, siya ang magbabautismo ng Espiritu Santo sa inyo.’ Ngayon ay nakita ko siya, at pinapatotohanan kong siya ang Anak ng Diyos.”