Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 1:1-34

JUAN 1:1-34 ABTAG

Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios. Ito rin nang pasimula'y sumasa Dios. Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya. Nasa kaniya ang buhay; at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao. At ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; at ito'y hindi napagunawa ng kadiliman. Naparito ang isang tao, na sugong mula sa Dios, na ang kaniyang pangalan ay Juan. Ito'y naparitong saksi, upang kaniyang patotohanan ang ilaw, upang sa pamamagitan niya'y magsisampalataya ang lahat. Hindi siya ang ilaw, kundi pumarito upang kaniyang patotohanan ang ilaw. Nagkaroon ng tunay na ilaw, sa makatuwid baga'y ang ilaw na lumiliwanag sa bawa't tao, na pumaparito sa sanglibutan. Siya'y nasa sanglibutan, at ang sanglibuta'y ginawa sa pamamagitan niya, at hindi siya nakilala ng sanglibutan. Siya'y naparito sa sariling kaniya, at siya'y hindi tinanggap ng mga sariling kaniya. Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan: Na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Dios. At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan. Pinatotohanan siya ni Juan, at sumigaw, na nagsasabi, Ito yaong aking sinasabi, Ang pumaparitong nasa hulihan ko ay magiging una sa akin: sapagka't siya'y una sa akin. Sapagka't sa kaniyang kapuspusan ay nagsitanggap tayong lahat, at biyaya sa biyaya. Sapagka't ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang kautusan; ang biyaya at ang katotohanan ay nagsidating sa pamamagitan ni Jesu-cristo. Walang taong nakakita kailan man sa Dios; ang bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, siya ang nagpakilala sa kanya. At ito ang patotoo ni Juan, nang suguin sa kaniya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang mga saserdote at mga Levita upang sa kaniya'y itanong, Sino ka baga? At kaniyang ipinahayag, at hindi ikinaila; at kaniyang ipinahayag, Hindi ako ang Cristo. At sa kaniya'y kanilang itinanong, Kung gayo'y ano nga? Ikaw baga'y si Elias? At sinabi niya, Hindi ako. Ikaw baga ang propeta? At siya'y sumagot, Hindi. Sinabi nga nila sa kaniya, Sino ka baga? upang ibigay namin ang kasagutan sa nangagsugo sa amin. Ano ang sinasabi mo tungkol sa iyong sarili? Sinabi niya, Ako ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias. At sila'y sinugo buhat sa mga Fariseo. At sa kaniya'y kanilang itinanong, at sinabi sa kaniya, Bakit nga bumabautismo ka, kung hindi ikaw ang Cristo, ni si Elias, ni ang propeta? Sila'y sinagot ni Juan, na nagsasabi, Ako'y bumabautismo sa tubig: datapuwa't sa gitna ninyo'y may isang nakatayo na hindi ninyo nakikilala, Siya nga ang pumaparitong sumusunod sa akin, na sa kaniya'y hindi ako karapatdapat magkalag ng panali ng kaniyang pangyapak. Ang mga bagay na ito'y ginawa sa Betania, sa dako pa roon ng Jordan, na pinagbabautismuhan ni Juan. Nang kinabukasan ay nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kaniya, at sinabi, Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan! Ito yaong aking sinasabi, Sa hulihan ko'y dumarating ang isang lalake na magiging una sa akin: sapagka't siya'y una sa akin. At siya'y hindi ko nakilala; datapuwa't upang siya'y mahayag sa Israel, dahil dito'y naparito ako na bumabautismo sa tubig. At nagpatotoo si Juan, na nagsasabi, Nakita ko ang Espiritu na bumababang tulad sa isang kalapati na buhat sa langit; at dumapo sa kaniya. At siya'y hindi ko nakilala; datapuwa't ang nagsugo sa akin upang bumautismo sa tubig, ay siyang nagsabi sa akin, Ang makita mong babaan ng Espiritu, at manahan sa kaniya, ay siya nga ang bumabautismo sa Espiritu Santo. At aking nakita, at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Dios.