Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.
Sa simula ay kasama na siya ng Diyos.
Lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya at kung wala siya ay hindi nagawa ang anumang bagay na ginawa.
Nasa sa kanya ang buhay at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao.
Ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; at ito'y hindi nagapi ng kadiliman.
Mayroong isang tao na isinugo mula sa Diyos na ang pangalan ay Juan.
Siya ay dumating bilang saksi, upang magpatotoo tungkol sa ilaw, upang sa pamamagitan niya'y sumampalataya ang lahat.
Hindi siya ang ilaw, kundi dumating siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw.
Siya ang tunay na ilaw na tumatanglaw sa bawat dumarating sa sanlibutan.
Siya noon ay nasa sanlibutan at ang sanlibutan ay ginawa sa pamamagitan niya, gayunma'y hindi siya nakilala ng sanlibutan.
Siya'y naparito sa kanyang sariling tahanan at siya'y hindi tinanggap ng kanyang sariling bayan.
Subalit ang lahat ng tumanggap sa kanya na sumasampalataya sa kanyang pangalan ay kanyang pinagkalooban sila ng karapatan na maging mga anak ng Diyos,
na ipinanganak hindi sa dugo, o sa kalooban ng laman, o sa kalooban ng tao, kundi ng Diyos.
At naging tao ang Salita at tumahang kasama namin, at nakita namin ang kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang gaya ng sa tanging Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan.
Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya at sumigaw, “Siya yaong aking sinasabi, ‘Ang dumarating na kasunod ko ay naging una sa akin sapagkat siya'y nauna sa akin.’”
At mula sa kanyang kapuspusan ay tumanggap tayong lahat, biyaya na sinundan pa ng ibang biyaya.
Sapagkat ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang kautusan; ang biyaya at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.
Walang sinumang nakakita kailanman sa Diyos. Ang Diyos na tanging Anak na nasa kandungan ng Ama ang nagpakilala sa kanya.
Ito ang patotoo ni Juan nang suguin ng mga Judio ang mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem upang siya'y tanungin, “Sino ka ba?”
Siya'y nagpahayag at hindi ikinaila kundi sinabing, “Hindi ako ang Cristo.”
Siya'y kanilang tinanong, “Kung gayo'y, ikaw ba si Elias?” At sinabi niya, “Hindi ako.” “Ikaw ba ang propeta?” At siya'y sumagot, “Hindi.”
Sinabi nila sa kanya, “Sino ka ba? Bigyan mo kami ng isasagot sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?”
Sinabi niya, “Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang na lugar, ‘Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.’”
Sila'y mga sugo buhat sa mga Fariseo.
Siya'y tinanong nila, “Kung gayo'y bakit ka nagbabautismo, kung hindi ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang propeta?”
Sila'y sinagot ni Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig; sa gitna ninyo'y may isang nakatayo na hindi ninyo kilala,
na pumaparitong kasunod ko at hindi ako karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang sandalyas.”
Ang mga bagay na ito'y nangyari sa Betania, sa kabilang ibayo ng Jordan, na pinagbabautismuhan ni Juan.
Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya, at kanyang sinabi, “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!
Siya yaong aking sinasabi, ‘Kasunod ko'y dumarating ang isang lalaki na higit pa sa akin, sapagkat siya'y nauna sa akin.
Hindi ko siya nakilala, dahil dito'y naparito ako na nagbabautismo sa tubig upang siya'y mahayag sa Israel.”
Nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumababang tulad sa isang kalapati na buhat sa langit at dumapo sa kanya.
Hindi ko siya nakilala subalit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ay nagsabi sa akin, ‘Ang nakita mong babaan ng Espiritu at manatili sa kanya, ay siya ang nagbabautismo sa Espiritu Santo.’
Aking nakita at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Diyos.”