Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Taga-Corinto 11:22-33

2 Mga Taga-Corinto 11:22-33 RTPV05

Sila ba'y Hebreo? Ako man ay Hebreo rin. Mga Israelita ba sila? Ako rin ay isang Israelita. Ninuno ba nila si Abraham? Ako'y ganoon din. Sila ba'y mga lingkod ni Cristo? Nagsasalita akong parang isang baliw, ngunit ako'y mas mabuting lingkod ni Cristo kaysa kanila. Higit ang aking paghihirap kaysa sa kanila; makailang ulit akong nabilanggo, hinagupit nang maraming beses, at madalas na nabingit sa kamatayan. Limang beses akong tumanggap ng tatlumpu't siyam na hagupit mula sa mga Judio; tatlong ulit kong naranasang hagupitin ng mga Romano, at minsan namang binato. Tatlong beses kong naranasang mawasak ang barkong aking sinasakyan, at minsa'y maghapo't magdamag akong lulutang-lutang sa dagat. Sa malimit kong paglalakbay, nalagay ako sa iba't ibang panganib sa mga ilog, sa mga tulisan, sa mga kapwa ko Judio at sa mga Hentil; mga panganib sa lunsod, sa ilang, sa dagat, sa mga nagpapanggap na mananampalataya. Naranasan ko rin ang labis na hirap at pagod, malimit na pagpupuyat, at matinding gutom at uhaw. Naranasan ko ang ginawin ngunit wala man lamang maibalabal. Bukod sa lahat ng iyan ay inaalala ko pa araw-araw ang mga iglesya. Kung may nanghihina, karamay nila ako, at kung may nahuhulog sa pagkakasala, labis na naghihirap ang aking kalooban. Kung kailangang ako'y magyabang, ang ipagyayabang ko'y ang aking mga kahinaan. Hindi ako nagsisinungaling. Iya'y alam ng Diyos at Ama ng Panginoong Jesus. Purihin siya magpakailanman! Nang ako'y nasa Damasco, ang pintuan ng lunsod ay pinabantayan ng gobernador na nasasakop ni Haring Aretas upang ipahuli ako. Ngunit isinakay ako sa isang malaking basket at ibinabâ sa kabila ng pader upang ako'y makatakas.