Sila baga'y mga Hebreo? ako man. Sila baga'y mga Israelita? ako man. Sila baga'y binhi ni Abraham? ako man.
Sila baga'y mga ministro ni Cristo? (ako'y nangungusap na waring nasisira ang bait) lalo pa ako; sa pagpapagal ako'y lubhang sagana, sa mga bilangguan ay lubhang madalas, sa mga palo ay walang bilang, sa mga ikamamatay ay malimit.
Sa mga Judio ay makalimang tumanggap ako ng tigaapat na pung palo, kulang ng isa.
Makaitlong ako'y hinampas ng mga panghampas, minsan ako'y binato, makaitlong ako'y nabagbag, isang araw at isang gabi na ako'y nasa kalaliman ng dagat;
Sa mga paglalakbay ay madalas, sa mga kapanganiban sa mga ilog, sa mga kapanganiban sa mga tulisan, sa mga kapanganiban sa aking mga kababayan, sa mga kapanganiban sa mga Gentil, sa mga kapanganiban sa bayan, sa mga kapanganiban sa mga ilang, sa mga kapanganiban sa dagat, sa mga kapanganiban sa gitna ng mga bulaang kapatid;
Sa pagpapagal at sa pagdaramdam, sa mga pagpupuyat ay madalas, sa gutom at uhaw, mga pagaayuno ay madalas, sa ginaw at kahubaran.
Bukod sa mga bagay na yaon, ay may umiinis sa akin sa araw-araw, ang kabalisahan dahil sa lahat ng mga iglesia.
Sino ang nanghina, at ako'y hindi nanghina? Sino ang napapatisod, at ako'y di nagdaramdam?
Kung kinakailangang ako'y magmapuri, ako'y magmamapuri sa mga bagay na nauukol sa aking kahinaan.
Ang Dios at Ama ng Panginoong Jesus, na mapalad magpakailan pa man, ang nakakaalam na ako'y hindi nagsisinungaling.
Sa Damasco ay binantayan ng gobernador na sakop ng haring Aretas ang bayan ng mga taga Damasco, upang ako'y hulihin:
At sa isang dungawan, ay napahugos ako sa kuta, sa isang balaong, at ako'y nakatanan sa kanilang mga kamay.