Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Cronica 34:19-33

2 Mga Cronica 34:19-33 RTPV05

Nang marinig ng hari ang nilalaman ng aklat, pinunit nito ang kanyang kasuotan. Iniutos niya agad kay Hilkias, kay Ahikam na anak ni Safan, kay Abdon na anak ni Mica, kay Safan, na kalihim, at kay Asaias, ang lingkod ng hari, na sumangguni kay Yahweh. Ang sabi niya, “Sumangguni kayo kay Yahweh para sa akin at para sa nalalabing sambayanan ng Juda at Israel. Alamin ninyo ang mga itinuturo ng aklat na ito. Galit si Yahweh sa atin dahil sinuway ng ating mga ninuno ang salita ni Yahweh at hindi nila sinunod ang mga utos na nakasulat sa aklat na ito.” Ang lahat ng inutusan, sa pangunguna ni Hilkias ay sama-samang sumangguni kay Hulda na isang babaing propeta at asawa ni Sallum. Si Sallum ay anak ni Tokat at apo naman ni Hasra na tagapag-ingat ng mga kasuotan. Siya'y pinuntahan nila sa kanyang tirahan sa bagong bahagi ng Jerusalem at sinabi rito ang nangyari. Sinabi ni Hulda: “Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa nagsugo sa inyo na padadalhan ko ng malaking sakuna ang lugar na ito at padaranasin ng matinding hirap. Mangyayari ang lahat ng sumpang sinasabi sa aklat na binasa sa harapan ng hari ng Juda. Matutupad iyon sapagkat ako'y kanilang itinakwil at sa ibang mga diyos sila naghandog at sumamba. Ginalit nila ako dahil sa mga diyus-diyosang ginawa nila. Kaya't hindi mapapawi ang galit na ibubuhos ko sa bayang ito.’ Ito ang sabihin ninyo sa hari ng Juda. Sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Nakita kong buong puso kang nagsisi at nagpakumbabá nang marinig mo ang kanyang salita laban sa lugar na ito at sa mamamayan dito. Dahil nagpakumbabá ka, sinira mo ang iyong kasuotan at nakita kong tumangis ka nang marinig mo ang nakahanda kong parusa sa Jerusalem at sa mga naninirahan dito, pinakinggan ko ang iyong panalangin. Kaya, hindi mo na maaabutan ang parusang igagawad ko sa lugar na ito. Isasama kita sa iyong mga ninuno at mamamatay kang mapayapa.’” Ito ang kasagutang dinala nila sa hari. Dahil dito'y ipinatawag ng hari ang mga matatandang pinuno ng sambayanan sa Juda at Jerusalem. Kaya't sama-sama silang pumunta sa Templo kasama ang mga pari, Levita at lahat ng mamamayan sa Juda at Jerusalem. Tumayo ang hari sa harap ng madla at binasa ang buong Aklat ng Tipan na natagpuan sa Templo. Nakatayo noon ang hari malapit sa isang haligi ng Templo. Nanumpa siya kay Yahweh na susundin nila nang buong puso at kaluluwa ang Kautusan at ang mga itinatakda ng kasunduang nakasulat sa aklat na iyon. Pagkatapos, pinanumpa rin niya ang lahat ng taga-Jerusalem pati ang taga-Benjamin na sumunod sa kasunduang ginawa ng Diyos ng kanilang mga ninuno. Inalis ni Josias sa buong nasasakupan ng bayang Israel ang lahat ng mga diyus-diyosang kasuklam-suklam sa Diyos at habang siya'y nabubuhay, inatasan niya ang bawat mamamayan na maglingkod kay Yahweh, ang Diyos na sinamba ng kanilang mga ninuno.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya