Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA CRONICA 34:19-33

II MGA CRONICA 34:19-33 ABTAG01

Nang marinig ng hari ang mga salita ng kautusan, pinunit niya ang kanyang suot. At inutusan ng hari sina Hilkias, Ahicam na anak ni Safan, Abdon na anak ni Micaias, Safan na kalihim, at si Asaya na lingkod ng hari, na sinasabi, “Humayo kayo at sumangguni sa PANGINOON, para sa akin at sa kanila na naiwan sa Israel at Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na natagpuan sapagkat malaki ang poot ng PANGINOON na nabubuhos sa atin. Sapagkat hindi iningatan ng ating mga ninuno ang salita ng PANGINOON, upang gawin ang ayon sa lahat ng nasusulat sa aklat na ito.” Kaya't si Hilkias at silang mga sinugo ng hari, ay pumunta kay Hulda na babaing propeta, na asawa ni Shallum na anak ni Tokhat, na anak ni Haras, na tagapag-ingat ng silid ng kasuotan; (siya nga'y nakatira sa Jerusalem sa Ikalawang Bahagi;) at kanilang sinabi sa kanya ang gayon. At sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa lalaking nagsugo sa inyo sa akin, Ganito ang sabi ng PANGINOON, Ako'y magdadala ng kasamaan sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito, lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na binasa sa harapan ng hari ng Juda. Sapagkat tinalikuran nila ako at nagsunog sila ng insenso sa ibang mga diyos, upang galitin sa pamamagitan ng lahat ng gawa ng kanilang mga kamay; kaya't ang aking poot ay ibubuhos sa dakong ito at hindi mapapawi. Ngunit sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo upang sumangguni sa PANGINOON, ganito ang sasabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salitang iyong narinig, sapagkat ang iyong puso ay nagsisisi, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ng Diyos nang iyong marinig ang kanyang mga salita laban sa dakong ito, at sa mga mamamayan nito, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ko, at pinunit mo ang iyong suot, at umiyak sa harapan ko; dininig din kita, sabi ng PANGINOON. Ilalakip kita sa iyong mga ninuno, at ikaw ay mapapalakip na payapa sa iyong libingan. Hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaang aking dadalhin sa lugar na ito at sa mamamayan nito.’” At kanilang dinala ang mensahe sa hari. PANGINOON Nang magkagayo'y nagsugo ang hari at tinipon ang lahat ng matatanda sa Juda at sa Jerusalem. Umakyat ang hari sa bahay ng PANGINOON, kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem, ang mga pari at mga Levita, at lahat ng mga tao, maging dakila at hamak. Kanyang binasa sa kanilang mga pandinig ang lahat ng salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa bahay ng PANGINOON. Ang hari ay tumayo sa kanyang lugar at nakipagtipan sa harapan ng PANGINOON, upang lumakad nang ayon sa PANGINOON at ingatan ang kanyang mga utos, mga patotoo, at mga tuntunin, ng kanyang buong puso at kaluluwa, upang isagawa ang mga salita ng tipan na nasusulat sa aklat na ito. Kanyang pinanumpa rito ang lahat ng nasa Jerusalem at Benjamin. At ginawa ng mga naninirahan sa Jerusalem ang ayon sa tipan ng Diyos ng kanilang mga ninuno. At inalis ni Josias ang lahat ng karumaldumal sa lahat ng lupaing pag-aari ng mga anak ni Israel, at ang lahat ng nasa Israel ay pinapaglingkod sa PANGINOON nilang Diyos. Sa lahat ng kanyang mga araw ay hindi sila humiwalay sa pagsunod sa PANGINOONG Diyos ng kanilang mga ninuno.