Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Cronica 34:19-33

2 Cronica 34:19-33 ASND

Nang marinig ng hari ang nakasulat sa Kautusan, pinunit niya ang kanyang damit sa hinagpis. Nag-utos agad siya kina Hilkia, Ahikam na anak ni Shafan, Abdon na anak ni Micas, Shafan na kalihim, at Asaya na kanyang personal na lingkod. Sinabi niya, “Magtanong kayo sa PANGINOON para sa akin at para sa mga naiwang mamamayan ng Israel at Juda tungkol sa nakasulat sa natagpuang aklat. Matindi ang galit ng PANGINOON sa atin dahil hindi natupad ang mga nakasulat sa aklat.” Kaya pumunta si Hilkia at ang mga kasama niya sa isang propetang babae na si Hulda, na nakatira sa bagong bahagi ng Jerusalem. Si Hulda ay asawa ni Shalum na anak ni Tokat at apo ni Hasra. Si Shalum ang nagbabantay ng mga damit sa templo. Sinabi ni Hulda sa kanila, “Sabihin nʼyo sa mga tao na nagpadala sa inyo sa akin na ito ang sinasabi ng PANGINOON, ang Dios ng Israel: ‘Lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga mamamayan nito, ayon sa nakasulat sa aklat na binasa sa inyong harapan. Ipapakita ko ang galit ko sa lugar na ito at hindi ito titigil, dahil itinaboy ako ng aking mga mamamayan at sumamba sila sa ibang mga dios. Ginalit nila ako sa kanilang mga ginawa.’ “Pero sabihin ninyo sa hari ng Juda na nagpadala sa inyo para magtanong sa PANGINOON, na hindi siya dapat mabahala sa mensaheng ito, dahil ito ang sinasabi ng PANGINOON, ang Dios ng Israel: Pinakinggan ko ang panalangin mo dahil nagsisi ka at nagpakumbaba sa harapan ko nang marinig mo ang sinabi ko laban sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito. Pinunit mo pa ang iyong damit at umiyak sa harapan ko dahil sa pagsisisi. Kaya ako, ang PANGINOON, ay nagsasabing habang buhay ka pa, hindi darating ang paglipol na ipapadala ko sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito. Mamamatay ka nang mapayapa.” At sinabi nila sa hari ang isinagot ni Hulda. Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Josia ang lahat ng tagapamahala ng Juda at Jerusalem. Pumunta siya sa templo ng PANGINOON kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa. Sumama rin ang mga pari at mga Levita. Binasa sa kanila ni Josia ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kautusan ng Dios, na nakita sa templo ng PANGINOON. Pagkatapos, tumayo si Josia sa tabi ng haligi na madalas tayuan ng hari. At gumawa siya ng kasunduan sa presensya ng PANGINOON na susundin niya ang PANGINOON sa pamamagitan ng pagtupad ng kanyang mga utos, katuruan, at tuntunin nang buong pusoʼt kaluluwa. Nangako siyang tutuparin niya ang mga ipinapatupad ng kasunduan ng Dios na nakasulat sa aklat. At sinabi rin niya sa mga mamamayan ng Jerusalem at Benjamin na mangako sila na tutuparin nila ang kasunduan ng Dios. Kaya sinunod nila ang kautusan ng Dios, ang Dios ng kanilang mga ninuno. Pagkatapos, ipinaalis ni Josia ang lahat ng kasuklam-suklam na mga dios-diosan sa buong lupain ng Israel, at pinaglingkod ang mga tao sa PANGINOON na kanilang Dios. Habang buhay siya, sinunod nila ang PANGINOON, ang Dios ng kanilang mga ninuno.