Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LEVITICO 26:23-38

LEVITICO 26:23-38 ABTAG

At kung sa mga bagay mang ito ay hindi pa kayo magbago sa akin, kundi sasalangsang kayo sa akin: At lalakad din naman ako ng laban sa inyo, at sasaktan ko kayo, ng makapito pa dahil sa inyong mga kasalanan: At pararatingin ko sa inyo ang tabak na gaganap ng higanti ng tipan; at kayo'y matitipon sa loob ng inyong mga bayan: at pararatingin ko ang salot sa gitna ninyo; at kayo'y mabibigay sa kamay ng kaaway. Pagka masisira ko ang tungkod ninyong tinapay, ang sangpung babae ay magluluto ng inyong tinapay sa isa lamang hurno, at sa inyo'y isasauli sa timbang ang inyong tinapay: at kayo'y kakain at hindi kayo mangabubusog. At kung sa lahat ng ito ay hindi ninyo ako pakikinggan, kundi kayo'y sasalangsang sa akin; Ay sasalangsang ako sa inyo na may kapusukan; at parurusahan ko kayong makapito pa dahil sa inyong mga kasalanan. At kakanin ninyo ang laman ng inyong mga anak na lalake, at ang mga laman ng inyong mga anak na babae ay inyong kakanin. At sisirain ko ang inyong matataas na dako, at aking wawasakin ang inyong mga larawang araw, at itatapon ko ang inyong mga bangkay sa mga katawan ng inyong mga diosdiosan; at kapopootan kayo ng aking kaluluwa. At gagawin kong giba ang inyong mga bayan, at gigibain ko ang inyong mga santuario, at hindi ko na sasamyuin ang amoy ng inyong mga may amoy na masarap. At gagawin kong ilang ang lupain: at pagtatakhan ng inyong mga kaaway na tumatahan doon. At kayo'y aking pangangalatin sa mga bansa, at pagbubunutan ko kayo ng tabak sa hulihan ninyo: at ang inyong lupain ay magiging isang ilang, at ang inyong mga bayan ay magiging sira. Kung magkagayo'y magagalak ang lupain sa kaniyang mga sabbath, habang nahahandusay na sira, at kayo'y mapapasa lupain ng inyong mga kaaway; ang lupain nga ay magpapahinga, at magagalak sa kaniyang mga sabbath. Habang nahahandusay na sira ay magkakaroon ng kapahingahan, sa makatuwid baga'y ang hindi ipinagpahinga sa inyong mga sabbath, nang kayo'y nagsisitahan doon. At tungkol sa mga matitira sa inyo, ay sisidlan ko ng takot sa kanilang puso, sa mga lupain ng kaniyang mga kaaway: at hahabulin sila ng kalatis ng isang dahong nalalaglag; at sila'y tatakas na parang tumatakas sa tabak; at sila'y mabubuwal nang walang humahabol sa kanila. At mangagkakatisuran sila na parang nasa harap ng tabak, kahit walang humahabol: at hindi kayo makatatayo sa harap ng inyong mga kaaway. At mamamatay kayo sa gitna ng mga bansa, at sasakmalin kayo ng lupain ng inyong mga kaaway.