Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Leviticus 26:23-38

Leviticus 26:23-38 ASND

Kung hindi pa rin kayo makikinig at patuloy pa rin na susuway sa akin, ako na ang makakalaban ninyo at parurusahan ko kayo ng pitong beses. Ipapasalakay ko kayo sa inyong mga kalaban para parusahan kayo dahil sa inyong pagsuway sa kasunduan natin. Kahit na magtago kayo sa loob ng inyong lungsod, padadalhan ko pa rin kayo ng salot. At dahil dito, mapipilitan kayong sumuko sa inyong mga kalaban. Kukulangin kayo ng pagkain, kaya iisang kalan ang paglulutuan ng tinapay ng sampung babae at iyon ay paghahati-hatian pa ninyo. Makakakain nga kayo pero hindi kayo mabubusog. At kung hindi pa rin kayo makikinig at patuloy pang susuway sa akin, magagalit na ako sa inyo at kakalabanin ko kayo, at parurusahan ko kayo ng pitong beses. Gugutumin ko kayo, at mapipilitan kayong kumain ng sarili ninyong anak. Wawasakin ko ang inyong mga sambahan sa matataas na lugar, pati na ang mga altar na pagsusunugan ng insenso. Itatapon ko ang inyong mga bangkay sa ibabaw ng mga patay nʼyong dios-diosan. At itatakwil ko kayo. Wawasakin ko ang inyong mga lungsod at mga sambahan. At hindi ko na nanaisin ang mabangong samyo ng inyong mga handog. Wawasakin ko ang inyong lupain at magtataka ang inyong mga kalaban na sasakop nito. Pasasapitin ko sa inyo ang digmaan na gigiba ng inyong mga bayan at mga lungsod, at pangangalatin ko kayo sa mga bansa. Habang bihag kayo ng inyong mga kalaban sa ibang lugar, makakapagpahinga na ang inyong lupain. Sapagkat noong nakatira pa kayo sa inyong lupain, hindi ninyo ito pinagpahinga kahit na sa panahon ng pagpapahinga ng inyong lupain. Pero ngayon ay makakapagpahinga na ito habang nasa ibang lugar kayo. Kayong mga natitirang buhay na binihag at dinala ng inyong mga kalaban sa kanilang lugar ay padadalhan ko ng labis na pagkatakot. At kahit na kaluskos lang ng dahon sa ihip ng hangin ay katatakutan ninyo, tatakas kayong parang hinahabol upang patayin, kahit walang humahabol sa inyo. At habang tumatakas kayo, magbabanggaan kayo at magkakandarapa. Hindi kayo makakalaban sa inyong mga kalaban. Mamamatay kayo sa lugar ng inyong mga kalaban.