Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LEVITICO 26:23-38

LEVITICO 26:23-38 ABTAG01

“At kung kayo'y hindi ko maturuan sa pamamagitan ng mga bagay na ito, kundi lumakad nang laban sa akin, ako ay lalakad din nang laban sa inyo, at sasaktan ko kayo nang higit pa sa pitong ulit dahil sa inyong mga kasalanan. Magdadala ako ng tabak sa inyo upang ipaghiganti ang tipan; at kayo'y matitipon sa loob ng inyong mga lunsod, at magpapadala ako ng salot sa gitna ninyo, at kayo'y babagsak sa kamay ng kaaway. Kapag sinira ko ang tungkod ninyong tinapay, sampung babae ang magluluto ng inyong tinapay sa isa lamang hurno, at ipamamahagi sa inyo ang inyong tinapay sa pamamagitan ng timbangan. Kayo'y kakain ngunit hindi kayo mabubusog. “Kung sa kabila nito ay hindi ninyo ako susundin, kundi kayo'y sasalungat sa akin; ako man ay sasalungat sa inyo na may kabagsikan; at parurusahan ko rin kayo nang pitong ulit dahil sa inyong mga kasalanan. At kakainin ninyo ang laman ng inyong mga anak na lalaki, at kakainin ninyo ang laman ng inyong mga anak na babae. Sisirain ko ang inyong matataas na dako, at aking wawasakin ang inyong mga dambana. Itatapon ko ang inyong mga bangkay sa mga bangkay ng inyong mga diyus-diyosan; at kapopootan kayo ng aking kaluluwa. At gigibain ko ang inyong mga lunsod at ang inyong mga santuwaryo, at hindi ko aamuyin ang inyong mababangong samyo. Gagawin kong ilang ang lupain, at ang inyong mga kaaway na nakatira roon ay magtataka. Kayo'y aking ikakalat sa mga bansa, at pagbubunutan ko kayo ng tabak sa hulihan ninyo, at ang inyong lupain ay magiging isang ilang, at ang inyong mga lunsod ay basurahan. “Kaya't tatamasahin ng lupain ang kanyang mga Sabbath hangga't ito'y nananatiling wasak, habang kayo ay nasa lupain ng inyong mga kaaway. Ang lupain ay magtatamasa ng kapahingahan at magagalak sa kanyang mga Sabbath. Ito ay magpapahinga sa lahat ng mga araw ng pagkasira na hindi nito ipinagpahinga sa inyong mga Sabbath nang kayo'y naninirahan doon. At tungkol sa mga malalabi sa inyo, dadalhan ko sila ng takot sa kanilang mga puso sa mga lupain ng kanilang mga kaaway. Hahabulin sila ng tunog ng isang dahong nalalaglag, at sila'y tatakas na parang tumatakas sa tabak. Sila'y mabubuwal bagaman walang humahabol sa kanila. Magkakatisuran sila sa isa't isa na parang nasa harapan ng tabak, kahit walang humahabol; at hindi kayo magkakaroon ng kapangyarihan sa harapan ng inyong mga kaaway. At mamamatay kayo sa gitna ng mga bansa, at lalamunin kayo ng lupain ng inyong mga kaaway.