At ang anghel ng Panginoon ay naparoon at umupo sa ilalim ng encina na nasa Ophra, na kay Joas na Abiezerita: at ang kaniyang anak na si Gedeon ay pumapalo ng trigo sa ubasan, upang itago sa mga Madianita.
At napakita ang anghel ng Panginoon sa kaniya, at sinabi sa kaniya, Ang Panginoo'y sumasaiyo, ikaw lalaking makapangyarihang may tapang.
At sinabi ni Gedeon sa kaniya, Oh Panginoon ko, kung ang Panginoon ay sumasaamin, bakit nga ang lahat ng ito ay sumapit sa amin? at saan naroon ang lahat niyang kababalaghang gawa na isinaysay sa amin ng aming mga magulang, na sinasabi, Hindi ba tayo iniahon ng Panginoon mula sa Egipto? nguni't ngayo'y hiniwalayan kami ng Panginoon at ibinigay kami sa kamay ng Madian.
At tiningnan siya ng Panginoon, at sinabi, Yumaon ka sa kalakasan mong ito, at iligtas mo ang Israel sa kamay ng Madian: hindi ba kita sinugo?
At sinabi niya sa kaniya, Oh Panginoon, paanong ililigtas ko ang Israel? narito, ang aking angkan ay siyang pinakadukha sa Manases, at ako ang pinakamaliit sa bahay sangbahayan ng aking ama.
At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Walang pagsalang ako'y sasaiyo; at iyong sasaktan ang mga Madianita na parang isang lalake.
At sinabi niya sa kaniya, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, ay bigyan mo nga ako ng isang tanda, na ikaw ang nakikipagusap sa akin.
Isinasamo ko sa iyo na huwag kang umalis dito, hanggang sa ako'y parito sa iyo, at ilabas ko ang aking handog, at ilapag ko sa harap mo. At kaniyang sinabi, Ako'y maghihintay hanggang sa ikaw ay bumalik.
At si Gedeon ay pumasok, at naglutong madali ng isang anak ng kambing, at ng isang efa ng harina, ng mga munting tinapay na walang lebadura: inilagay ang karne sa isang buslo, at kaniyang inilagay ang sabaw sa isang palyok, at inilabas sa kaniya sa ilalim ng encina, at inihain.
At sinabi ng anghel ng Dios sa kaniya, Kunin mo ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura at ipatong mo sa batong ito at ibuhos mo ang sabaw. At kaniyang ginawang gayon.
Nang magkagayo'y iniunat ng anghel ng Panginoon ang dulo ng tungkod, na nasa kaniyang kamay, at sinalang ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura; at napailanglang ang apoy sa bato, at pinugnaw ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura; at ang anghel ng Panginoon ay nawala sa kaniyang paningin.
At nakita ni Gedeon na siya ang anghel ng Panginoon; at sinabi ni Gedeon, Aba, Oh Panginoon Dios! sapagka't aking nakita ang anghel ng Panginoon na mukhaan.
At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Kapayapaan ang sumaiyo; huwag kang matakot: hindi ka mamamatay.
Nang magkagayo'y nagtayo roon si Gedeon ng isang dambana sa Panginoon, at tinawag na Jehova-salom: hanggang sa araw na ito ay nasa sa Ophra pa ng mga Abiezerita.