Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA HUKOM 6:11-24

MGA HUKOM 6:11-24 ABTAG01

Ang anghel ng PANGINOON ay dumating at umupo sa ilalim ng ensina na nasa Ofra, na pag-aari ni Joas na Abiezerita, habang ang kanyang anak na si Gideon ay gumigiik ng trigo sa ubasan, upang itago ito sa mga Midianita. Nagpakita ang anghel ng PANGINOON sa kanya, at sinabi sa kanya, “Ang PANGINOON ay sumasaiyo, ikaw na magiting na mandirigma.” Sinabi ni Gideon sa kanya, “Subalit ginoo, kung ang PANGINOON ay kasama namin, bakit ang lahat ng ito ay sumapit sa amin? Nasaan ang lahat ng kanyang kamangha-manghang gawa na isinaysay sa amin ng aming mga ninuno, na sinasabi, ‘Hindi ba tayo iniahon ng PANGINOON mula sa Ehipto?’ Ngunit ngayo'y itinakuwil kami ng PANGINOON at ibinigay kami sa kamay ng Midian.” At bumaling sa kanya ang PANGINOON, at sinabi, “Humayo ka sa kalakasan mong ito, at iligtas mo ang Israel sa kamay ng Midian. Hindi ba kita isinusugo?” Sinabi niya sa kanya, “Ngunit ginoo, paano ko maililigtas ang Israel? Ang aking angkan ang pinakamahina sa Manases, at ako ang pinakahamak sa sambahayan ng aking ama.” Sinabi ng PANGINOON sa kanya, “Subalit ako'y makakasama mo at iyong ibubuwal ang mga Midianita, bawat isa sa kanila.” At sinabi niya sa kanya, “Kung nakatagpo ako ngayon ng biyaya sa iyong paningin, ay bigyan mo ako ng isang tanda na ikaw nga ang nakikipag-usap sa akin. Huwag kang umalis dito hanggang sa ako'y dumating sa iyo, at ilabas ko ang aking kaloob, at ilapag ko sa harap mo.” At kanyang sinabi, “Ako'y maghihintay hanggang sa ikaw ay bumalik.” Kaya't si Gideon ay pumasok sa kanyang bahay, at naghanda ng isang batang kambing, ng mga munting tinapay na walang pampaalsa at ng isang efang harina. Inilagay niya ang karne sa isang basket, at kanyang inilagay ang sabaw sa isang palayok, at dinala ang mga ito sa kanya sa ilalim ng ensina, at inihain ang mga ito. At sinabi ng anghel ng Diyos sa kanya, “Kunin mo ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa at ipatong mo sa batong ito at ibuhos mo rito ang sabaw.” At gayon ang ginawa niya. Pagkatapos ay iniabot ng anghel ng PANGINOON ang dulo ng tungkod na nasa kanyang kamay, at sinaling ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa. May lumabas na apoy sa bato at tinupok ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa; at ang anghel ng PANGINOON ay nawala sa kanyang paningin. Nalaman ni Gideon na iyon ang anghel ng PANGINOON; at sinabi ni Gideon, “Tulungan mo ako, O Panginoong DIYOS! Sapagkat aking nakita ang anghel ng PANGINOON nang mukhaan.” Ngunit sinabi ng PANGINOON sa kanya, “Sumaiyo ang kapayapaan; huwag kang matakot, hindi ka mamamatay.” Nang magkagayo'y nagtayo roon si Gideon ng isang dambana sa PANGINOON, at tinawag iyon na, Ang PANGINOON ay kapayapaan. Hanggang sa araw na ito, iyon ay nakatayo pa rin sa Ofra ng mga Abiezerita.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa MGA HUKOM 6:11-24