Pagkatapos, dumating ang anghel ng PANGINOON sa Ofra. Naupo siya sa ilalim ng puno ng terebinto na pag-aari ni Joash na mula sa angkan ni Abiezer. Si Gideon na anak ni Joash ay naggigiik noon ng trigo sa ilalim ng pisaan ng ubas para hindi makita ng mga Midianita ang trigo. Nagpakita sa kanya ang anghel ng PANGINOON at sinabi, “Ikaw, magiting na sundalo, ang PANGINOON ay sumasaiyo.”
Sumagot si Gideon, “Kung sumasaamin nga ang PANGINOON, bakit ganito ang kalagayan namin? Bakit hindi na siya gumagawa ng mga himala gaya ng ginawa niya noon nang inilabas niya sa Egipto ang aming mga ninuno, ayon na rin sa mga kwento nila sa amin? At ngayon, pinabayaan na kami ng PANGINOON at ipinaubaya sa mga Midianita.”
Sinabi ng PANGINOON kay Gideon, “Humayo ka at gamitin ang buong lakas mo sa pagliligtas sa Israel mula sa mga Midianita. Ako ang nagsusugo sa iyo.”
Sumagot si Gideon, “Pero paano ko po maililigtas ang Israel? Ang pamilya po namin ang pinakamahina sa lahi ni Manase at ako naman po ang pinakaaba sa pamilya namin.”
Sumagot ang PANGINOON, “Tutulungan kita at lilipulin mo ang mga Midianita na parang nakikipaglaban ka lang sa isang tao.”
Sinabi ni Gideon, “Kung nalulugod po kayo sa akin, PANGINOON, bigyan nʼyo po ako ng palatandaan na kayo talaga ang nag-uutos sa akin. Huwag po muna kayong umalis dahil kukuha ako ng ihahandog ko sa inyo.”
Sumagot ang PANGINOON, “Hihintayin kita.”
Umuwi si Gideon at nagluto ng isang batang kambing. At gumawa siya ng tinapay na walang pampaalsa gamit ang kalahating sako ng harina. Pagkatapos, inilagay niya ang karne sa basket at ang sabaw nito sa kaldero, at dinala niya ang pagkain sa anghel doon sa puno ng terebinto.
Sinabi sa kanya ng anghel ng Dios, “Ipatong mo ang karne at tinapay sa batong ito, at buhusan mo ng sabaw.” Sinunod ito ni Gideon. Pagkatapos, inabot ng anghel ng PANGINOON ang pagkain, sa pamamagitan ng tungkod na hawak niya. Bigla na lang lumabas ang apoy mula sa bato at tinupok ang karne at ang tinapay. At nawala na ang anghel ng PANGINOON.
Napatunayan ni Gideon na anghel nga ng PANGINOON ang nakita niya, sinabi niya, “O Panginoong DIOS, nakita ko po nang harapan ang anghel ninyo.” Pero sinabihan siya ng PANGINOON, “Huwag kang mag-alala at matakot. Hindi ka mamamatay.”
Nagpatayo roon si Gideon ng altar para sa PANGINOON at tinawag niya itong, “Nagbibigay ng Kapayapaan ang PANGINOON.” Hanggang ngayon, naroon pa rin iyon sa Ofra, sa lugar ng mga angkan ni Abiezer.