Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

HABACUC 2:2-20

HABACUC 2:2-20 ABTAG

At ang Panginoon ay sumagot sa akin, at nagsabi, Isulat mo ang pangitain, at iukit mo na malinaw sa mga tapyas na bato upang makatakbo ang bumabasa niyaon. Sapagka't ang pangitain ay sa panahong takda pa, at nagmamadali sa pagkatapos, at hindi magbubulaan: bagaman nagluluwat ay hintayin mo; sapagka't walang pagsalang darating, hindi magtatagal. Narito, ang kaniyang kaluluwa ay nagpapalalo, hindi tapat sa kaniya; nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya. Oo, bukod dito'y ang alak ay magdaraya, isang taong hambog, at hindi natitira sa bahay; na lumaki ang kaniyang nasa na parang Sheol, at siya'y parang kamatayan, at hindi masisiyahan, kundi pinipisan sa kaniya ang lahat na bansa, at ibinubunton sa kaniya ang lahat na bayan. Hindi baga ang lahat ng ito ay magbabadya ng talinhaga laban sa kaniya, at ng nakagagalit na kawikaan laban sa kaniya, at mangagsasabi, Sa aba niya na nagpaparami ng di kaniya! hanggang kailan? at nagpapasan siya sa kaniyang sarili ng mga sangla! Hindi baga sila mangagtitindig, na bigla na kakagat sa iyo, at magsisigising na babagabag sa iyo, at ikaw ay magiging samsam sa kanila? Dahil sa iyong sinamsaman ang maraming bansa, lahat ng nalabi sa mga tao ay magsisisamsam sa iyo, dahil sa dugo ng mga tao, at dahil sa karahasang ginawa sa lupain, sa bayan at sa lahat ng nagsisitahan doon. Sa aba niya na nagiimpok ng masamang pakinabang para sa kaniyang sangbahayan, upang kaniyang mailagay ang pugad niya sa itaas, upang siya'y maligtas sa kamay ng kasamaan! Ikaw ay naghaka ng ikahihiya ng iyong sangbahayan, sa paghihiwalay ng maraming tao, at ikaw ay nagkasala laban sa iyong sarili. Sapagka't ang bato ay dadaing mula sa pader, at ang tahilan mula sa mga kahoy ay sasagot. Sa aba niya na nagtatayo ng bayan sa pamamagitan ng dugo, at nagtatatag ng bayan sa pamamagitan ng kasamaan! Narito, hindi baga dahil sa Panginoon ng mga hukbo na ang mga tao ay nagsisigawa para sa apoy, at ang mga bansa ay nangagpapakapagod sa walang kabuluhan? Sapagka't ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng kaluwalhatian ng Panginoon, gaya ng pagtakip ng tubig sa dagat. Sa aba niya na nagpapainom ng alak sa kaniyang kapuwa, na idinadagdag mo ang iyong kamandag, at nilalasing mo rin naman siya, upang iyong mamasdan ang kaniyang kahubaran! Ikaw ay puno ng kahihiyan, at hindi ng kaluwalhatian: uminom ka naman, at maging gaya ng isang hindi tuli; ang saro ng kanan ng Panginoon ay mababalik sa iyo, at kasuklamsuklam na kahihiyan ang mahahalili sa iyong kaluwalhatian. Sapagka't ang pangdadahas na ginawa sa Libano ay tatakip sa iyo, at ang panggigiba sa mga hayop na nakatakot sa kanila; dahil sa dugo ng mga tao, at dahil sa pangdadahas na ginawa sa lupain, sa bayan, at sa lahat na nagsisitahan doon. Anong napapakinabang ng larawang inanyuan na yao'y inanyuan ng manggagawa niyaon; ng binubong larawan, na tagapagturo ng mga kasinungalingan, na tinitiwalaan ng nagaanyo sa kaniya, na gumawa ng mga piping diosdiosan? Sa aba niya na nagsasabi sa kahoy, Gumising ka; sa piping bato, Bumangon ka! Magtuturo baga ito? Narito, nababalot ng ginto at pilak, at walang hinga sa loob niyaon. Nguni't ang Panginoo'y nasa kaniyang banal na templo: tumahimik ang buong lupa sa harap niya.