Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 25:23-40

EXODO 25:23-40 ABTAG

At gagawa ka ng isang dulang na kahoy na akasia: na may dalawang siko ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon, at isang siko't kalahati ang taas niyaon. At iyong babalutin ng taganas na ginto, at igagawa mo ng isang kornisang ginto sa palibot. At igagawa mo ng isang gilid na may isang palad ng kamay ang luwang sa palibot, at igagawa mo ng isang kornisang ginto ang palibot ng gilid niyaon. At igagawa mo ng apat na argolyang ginto, at ilalagay mo ang mga argolya sa apat na sulok na ukol sa apat na paa niyaon. Malalapit sa gilid ang mga argolya, sa daraanan ng mga pingga, upang madala ang dulang. At gagawin mo ang mga pingga na kahoy na akasia, at iyong babalutin ng ginto, upang ang dulang ay madala ng mga yaon. At gagawa ka ng mga pinggan niyaon, at ng mga kutsara niyaon, at ng mga kopa niyaon, at ng mga tasa niyaon na pagbubuhusan; na iyong gagawing taganas na ginto. At ilalagay mo sa dulang ang tinapay na handog sa harap ko na palagi. At gagawa ka ng isang kandelerong taganas na ginto: yari sa pamukpok gagawin mo ang kandelero, ang tuntungan niyaon, at ang haligi niyaon; ang mga kopa niyaon, ang mga globito niyaon at ang mga bulaklak niyaon ay mga kaputol: At magkakaroon ng anim na sangang lumalabas sa mga tagiliran niyaon; tatlong sanga ng kandelero'y sa isang tagiliran niyaon, at ang tatlong sanga ng kandelero ay sa kabilang tagiliran niyaon: At magkakaroon ng tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa isang sanga, isang globito at isang bulaklak; at tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa kabilang sanga, isang globito at isang bulaklak; at gayon sa anim na sangang lumalabas sa kandelero. At sa haligi ng kandelero'y magkakaroon ng apat na kopang anyong bulaklak ng almendro, sangpu ng mga globito niyaon, at ng mga bulaklak niyaon: At magkakaroon ng isang globito sa ilalim ng dalawa sa mga sanga, at isang globito sa ilalim ng kabilang dalawa sa mga sanga na kaputol niyaon, at isang globito sa ilalim ng dalawang sangang nalalabi ayon sa anim na sanga na lumalabas sa kandelero. Ang magiging mga globito at mga sanga niyaon ay kaputol: kabuoan niyaon ay isa lamang putol na yari sa pamukpok, na taganas na ginto. At igagawa mo ng kaniyang mga ilawan, na pito: at kanilang sisindihan ang mga ilawan niyaon, upang lumiwanag sa dakong tapat ng kandelero. At ang magiging mga gunting at mga pinggan niyaon ay taganas na ginto. Isang talentong taganas na ginto gagawin, sangpu ng lahat ng kasangkapang ito. At ingatan mo, na iyong gawin ayon sa anyo ng mga yaon na ipinakita sa iyo sa bundok.