Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 25:23-40

EXODO 25:23-40 ABTAG01

‘Gagawa ka ng isang hapag na yari sa kahoy na akasya; dalawang siko ang haba, isang siko ang luwang at isang siko at kalahati ang taas. Iyong babalutin ito ng lantay na ginto, at igagawa mo ng isang moldeng ginto sa palibot. Igagawa mo ito ng isang gilid sa palibot na may isang dangkal ang luwang, at igagawa mo ng isang moldeng ginto ang palibot ng gilid niyon. At igagawa mo ng apat na argolyang ginto, at ilalagay mo ang mga argolya sa apat na sulok na nasa apat na paa niyon. Malalapit sa gilid ang mga argolya, sa daraanan ng mga pasanan, upang madala ang hapag. At gagawin mo ang mga pasanan mula sa kahoy na akasya, at iyong babalutin ng ginto, at ang hapag ay dadalhin sa pamamagitan ng mga iyon. Gagawa ka ng mga pinggan niyon para sa insenso, at ng mga banga at mga mangkok na pagbubuhusan; na iyong gagawing lantay na ginto. At ilalagay mo sa hapag ang tinapay na handog sa harap ko palagi. “Gagawa ka ng isang ilawan na lantay na ginto. Ang paa at tangkay ng ilawan ay yari sa pinitpit na ginto; ang mga sanga, ang mga kopa niyon, at ang mga bulaklak niyon ay isang piraso. At magkakaroon ng anim na sangang lumalabas sa mga tagiliran niyon na kasama nito, tatlong sanga ng ilawan sa isang tagiliran niyon, at tatlong sanga ng ilawan ay sa kabilang tagiliran niyon, tatlong kopa na ginawang tulad ng almendro, bawat isa ay may usbong at isang bulaklak; at tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa kabilang sanga, isang usbong at isang bulaklak; at gayon sa anim na sangang lumalabas mula sa ilawan. Sa ilawan mismo ay magkakaroon ng apat na kopang anyong bulaklak ng almendro, kasama ng mga usbong at ng mga bulaklak niyon, at magkakaroon ng isang usbong sa ilalim ng bawat pares ng anim na lumalabas sa ilawan. Ang magiging mga usbong at mga sanga niyon ay iisa, ang kabuuan niyon ay isa lamang putol na yari sa pinitpit na lantay na ginto. Igagawa mo ito ng pitong ilaw, at ang mga ilaw ay sisindihan upang magbigay liwanag sa dakong katapat nito. Ang mga pangsipit at ang patungan ay magiging lantay na ginto. Ito ay gagawin sa isang talentong lantay na ginto pati ng lahat ng kasangkapang ito. At tiyakin mong gawin ang mga iyon ayon sa anyong huwaran ng mga iyon na ipinakita sa iyo sa bundok.