Isinasamo ko sa iyo, na ang aking panginoon ay huwag makitungo sa lalaking ito na hamak, sa makatuwid baga'y kay Nabal; sapagka't kung ano ang kaniyang pangalan ay gayon siya: Nabal ang kaniyang pangalan, at ang kamangmangan ay sumasakaniya: nguni't akong iyong lingkod, hindi nakakita sa mga bataan ng aking panginoon, na iyong sinugo.
Ngayon nga, panginoon ko, buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, yamang ikaw ay pinigil ng Panginoon sa pagbububo ng dugo, at sa panghihiganti mo ng iyong sariling kamay kaya nga ang iyong mga kaaway at yaong mga umuusig ng kasamaan sa aking panginoon ay maging gaya ni Nabal.
At ngayo'y itong kaloob na dinala ng iyong lingkod sa aking panginoon ay mabigay sa mga bataan na sumusunod sa aking panginoon.
Isinasamo ko sa iyo na iyong ipatawad ang pagkasalangsang ng iyong lingkod: sapagka't tunay na gagawin ng Panginoon ang aking panginoon ng isang sangbahayan na tiwasay, sapagka't ibinabaka ng aking panginoon ang mga pagbabaka ng Panginoon; at ang kasamaan ay hindi masusumpungan sa iyo sa lahat ng iyong mga araw.
At bagaman bumangon ang isang lalake upang habulin ka, at usigin ang iyong kaluluwa, gayon ma'y ang kaluluwa ng aking panginoon ay matatali sa talian ng buhay na kasama ng Panginoon mong Dios; at ang mga kaluluwa ng iyong mga kaaway, ay pahihilagpusin niya, na parang mula sa gitna ng isang panghilagpos.
At mangyayari, pagka nagawa ng Panginoon sa aking panginoon ang ayon sa lahat ng mabuti na kaniyang sinalita tungkol sa iyo, at kaniyang naihalal ka na prinsipe sa Israel;
Na ito'y hindi magiging kalumbayan sa iyo o kutog man ng loob sa aking panginoon, maging ikaw ay nagbubo ng dugo sa walang kabuluhan, o gumanti ng sa kaniyang sarili ang aking panginoon: at pagka gumawa ang Panginoon ng mabuti sa aking panginoon, alalahanin mo nga ang iyong lingkod.
At sinabi ni David kay Abigail, Purihin nawa ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako:
At purihin nawa ang iyong kabaitan, at pagpalain ka, na pumigil sa akin sa araw na ito sa pagbububo ng dugo, at sa panghihiganti ng aking sariling kamay.
Sapagka't tunay, buhay ang Panginoon, ang Dios ng Israel na siyang pumigil sa akin sa pagsakit sa iyo, kundi ka nagmadali, at pumaritong sumalubong sa akin, tunay na walang malalabi kay Nabal sa pagbubukang liwayway kahit isang batang lalake.
Sa gayo'y tinanggap ni David sa kaniyang kamay ang dinala niya sa kaniya: at sinabi niya sa kaniya, Umahon kang payapa na umuwi sa iyong bahay; tingnan mo, aking dininig ang iyong tinig, at aking tinanggap ang iyong pagkatao.
At naparoon si Abigail kay Nabal; at, narito, siya'y gumawa ng isang kasayahan sa kaniyang bahay, na gaya ng pagsasaya ng isang hari; at ang puso ni Nabal ay nagalak sa kaniyang loob, sapagka't siya'y lubhang nalango; kaya't siya'y hindi nagsaysay sa kaniya ng anoman, munti o malaki, hanggang sa pagbubukang liwayway.
At nangyari sa kinaumagahan, nang ang alak ay mapawi kay Nabal, na isinaysay ng asawa niya sa kaniya ang mga bagay na ito, at nagkasakit siya sa puso, at siya'y naging parang isang bato.
At nangyari, pagkaraan ng may sangpung araw, at sinaktan ng Panginoon si Nabal, na anopa't siya'y namatay.
At nang mabalitaan ni David na si Nabal ay namatay, ay kaniyang sinabi, Purihin nawa ang Panginoon na siyang nagsanggalang ng aking kadustaan mula sa kamay ni Nabal, at pinigil ang kaniyang lingkod sa kasamaan: at ang masamang gawa ni Nabal ay ibinalik ng Panginoon sa kaniyang sariling ulo. At nagsugo si David upang salitain kay Abigail na kunin siya na maging asawa niya.
At nang dumating ang mga lingkod ni David kay Abigail sa Carmelo, ay kanilang sinalita sa kaniya, na sinasabi, Sinugo kami ni David sa iyo, upang kunin ka na maging asawa niya.
At siya'y bumangon at nagpatirapa sa lupa, at nagsabi, Narito, ang iyong lingkod ay isang aba upang maghugas ng mga paa ng mga lingkod ng aking panginoon.
At nagmadali si Abigail, at bumangon, at sumakay sa isang asno, na kasama ng limang dalaga niya na sumusunod sa kaniya; at siya'y sumunod sa mga sugo ni David, at naging kaniyang asawa.
Kinuha naman ni David si Ahinoam, na taga Jezreel; at sila'y kapuwa naging asawa niya.
Ngayo'y ibinigay ni Saul si Michal na kaniyang anak, na asawa ni David, kay Palti na anak ni Lais na taga Gallim.