Ipinapakiusap ko sa iyo, na huwag pansinin ng aking panginoon itong lalaking si Nabal na may masamang ugali, sapagkat kung ano ang kanyang pangalan ay gayon siya. Nabal ang kanyang pangalan, at ang kahangalan ay nasa kanya; ngunit akong iyong lingkod ay hindi nakakita sa mga kabataang tauhan ng aking panginoon, na iyong sinugo.
Ngayon, panginoon ko, habang buháy ang PANGINOON, at buháy ang iyong kaluluwa, yamang ikaw ay pinigil ng PANGINOON sa pagpapadanak ng dugo, at sa paghihiganti ng iyong sariling kamay, ang iyo nawang mga kaaway at ang mga nagnanais gumawa ng masama sa aking panginoon ay maging gaya ni Nabal.
At ngayon, itong kaloob na dinala ng iyong lingkod sa aking panginoon ay ibigay mo sa mga kabataang sumusunod sa aking panginoon.
Ipinapakiusap ko sa iyo na patawarin mo ang pagkakasala ng iyong babaing lingkod, sapagkat tiyak na igagawa ng PANGINOON ang aking panginoon ng isang sambahayang tiwasay. Ipinaglalaban ng aking panginoon ang mga laban ng PANGINOON at ang kasamaan ay hindi matatagpuan sa iyo habang ikaw ay nabubuhay.
Kung sinuman ay mag-alsa upang habulin ka at tugisin ang iyong buhay, ang buhay ng aking panginoon ay mabibigkis sa bigkis ng mga nabubuhay sa pag-aaruga ng PANGINOON mong Diyos; at ang mga buhay ng iyong mga kaaway ay ihahagis niya na parang mula sa guwang ng isang tirador.
At kapag nagawa na ng PANGINOON sa aking panginoon ang ayon sa lahat ng mabuti na kanyang sinabi tungkol sa iyo, at kanyang itinalaga ka bilang pinuno ng Israel;
ang aking panginoon ay hindi magkakaroon ng dahilan upang malungkot, o pag-uusig ng budhi, dahil sa pagpapadanak ng dugo nang walang dahilan o para sa aking panginoon na siya mismo ang maghiganti. At kapag gumawa ang PANGINOON ng mabuti sa aking panginoon, alalahanin mo nga ang iyong babaing lingkod.”
Sinabi ni David kay Abigail, “Purihin nawa ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, na nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako!
Purihin nawa ang iyong karunungan, at pagpalain ka nawa na pumigil sa akin sa araw na ito sa pagpapadanak ng dugo, at sa paghihiganti ng aking sariling kamay!
Sapagkat kung gaano katiyak na buháy ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel na siyang pumigil sa akin na saktan ka, malibang ikaw ay nagmadali at pumarito upang sumalubong sa akin, tiyak na walang maiiwan kay Nabal sa pagbubukang-liwayway kahit isang batang lalaki.”
Pagkatapos ay tinanggap ni David mula sa kamay ni Abigail ang dinala niya para sa kanya; at sinabi ni David sa kanya, “Umahon kang payapa sa iyong bahay; tingnan mo, aking pinakinggan ang iyong tinig at aking ipinagkaloob ang iyong kahilingan.”
Pumunta si Abigail kay Nabal; siya'y nagdaraos ng isang kapistahan sa kanyang bahay na gaya ng pagpipista ng isang hari. Si Nabal ay masayang-masaya sapagkat siya'y lasing na lasing. Kaya't walang sinabing anuman si Abigail sa kanya hanggang sa pagbubukang-liwayway.
Kinaumagahan, nang hindi na lasing si Nabal, sinabi ng asawa niya sa kanya ang mga bagay na ito at nagkasakit siya sa puso, at siya'y naging parang isang bato.
Pagkaraan ng may sampung araw, sinaktan ng PANGINOON si Nabal, at siya'y namatay.
Nang mabalitaan ni David na si Nabal ay patay na, sinabi niya, “Purihin ang PANGINOON na siyang naghiganti sa pag-alipustang tinanggap ko sa kamay ni Nabal, at pinigil ang kanyang lingkod sa kasamaan. Ang masamang gawa ni Nabal ay ibinalik ng PANGINOON sa kanyang sariling ulo.” Pagkatapos ay nagsugo si David at hinimok si Abigail na maging asawa niya.
Nang dumating ang mga lingkod ni David kay Abigail sa Carmel, kanilang sinabi sa kanya, “Sinugo kami ni David sa iyo upang kunin ka na maging asawa niya.”
At siya'y tumindig at nagpatirapa sa lupa, at nagsabi, “Ang iyong lingkod ay isang alila na maghuhugas ng mga paa ng mga lingkod ng aking panginoon.”
Nagmadali si Abigail, tumindig, at sumakay sa isang asno. Pinaglingkuran siya ng kanyang limang katulong na dalaga. Siya'y sumunod sa mga sugo ni David, at siya'y naging kanyang asawa.
Kinuha rin ni David si Ahinoam na taga-Jezreel; at sila'y kapwa naging asawa niya.
Ibinigay ni Saul si Mical na kanyang anak, na asawa ni David, kay Palti na anak ni Lais na taga-Galim.