Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Samuel 25:25-44

1 Samuel 25:25-44 ASND

Huwag nʼyo na pong pag-aksayahan ng panahon si Nabal. Napakasama niyang tao. Nababagay lang sa kanya ang pangalan niyang Nabal, na ang ibig sabihin ay ‘hangal.’ Ipagpaumanhin nʼyo po pero hindi ko nakita ang mga mensaherong pinapunta nʼyo kay Nabal. “Ngayon po, niloob ng PANGINOON na hindi matuloy ang paghihiganti at pagpatay ninyo para hindi madungisan ang inyong mga kamay. Sa kapangyarihan ng buhay na PANGINOON at ng buhay nʼyo, nawaʼy matulad kay Nabal ang kahihinatnan ng inyong mga kaaway at ng lahat ng naghahangad ng masama laban sa inyo. Kaya, kung maaari, tanggapin ninyo ang mga regalong ito na dinala ko para sa inyo at sa inyong mga tauhan. Patawarin nʼyo po sana ako kung mayroon man akong mga pagkukulang. Nakakatiyak ako na gagawin kayong hari ng PANGINOON at magpapatuloy ang paghahari ninyo sa lahat ng inyong salinlahi, dahil nakikipaglaban kayo para sa kanya. Wala sanang makakapanaig na kasamaan sa inyo habang kayoʼy nabubuhay. Kahit may humahabol sa inyo para patayin kayo, iingatan kayo ng PANGINOON na inyong Dios. Ililigtas kayo ng kanyang mga kamay tulad ng pag-iingat ng isang tao sa isang mamahaling bagay. Pero ang inyong mga kaaway ay ihahagis na parang batong ibinala sa tirador. Kapag natupad na ang lahat ng kabutihang ipinangako sa inyo ng PANGINOON at maging hari na kayo ng Israel, hindi kayo uusigin ng inyong konsensya dahil hindi kayo naghiganti at pumatay ng walang sapat na dahilan. At kapag pinagtagumpay na kayo ng PANGINOON, nakikiusap ako na huwag nʼyo po akong kalimutan na inyong lingkod.” Sinabi ni David kay Abigail, “Purihin ang PANGINOON, ang Dios ng Israel, na nagpadala sa iyo ngayong araw na ito para makipagkita sa akin. Salamat sa Dios sa mabuti mong pagpapasya. Dahil dito, iniwas mo ako sa paghihiganti at pagpatay. Kung hindi ka nagmadaling makipagkita sa akin, wala sanang matitirang buhay na lalaki sa sambahayan ni Nabal bukas ng umaga. Isinumpa ko iyan sa buhay na PANGINOON, ang Dios ng Israel, na siyang pumigil sa akin sa paggawa sa iyo ng masama.” Tinanggap ni David ang mga regalo ni Abigail at sinabi, “Umuwi ka na at huwag ka nang mag-alala. Gagawin ko ang mga sinabi mo.” Nang dumating si Abigail sa bahay nila, nagdiriwang sila Nabal na parang pista sa kaharian. Sobrang saya ni Nabal at lasing na lasing, kaya hindi na niya sinabi rito hanggang umaga ang pakikipagkita niya kay David. Kinaumagahan, nang wala na ang pagkalasing nito, sinabi sa kanya ni Abigail ang nangyari. Inatake siya sa puso at hindi na nakagalaw. Pagkaraan ng sampung araw, pinalala ng PANGINOON ang kalagayan niya at siyaʼy namatay. Nang mabalitaan ni David na patay na si Nabal, sinabi niya, “Purihin ang PANGINOON! Siya ang gumanti kay Nabal dahil sa pang-iinsulto niya sa akin. Hindi na niya hinayaang ako pa ang gumawa noon. Pinarusahan niya si Nabal sa masama niyang ginawa sa akin.” Pagkatapos, nagpadala ng mensahe si David kay Abigail na hinihiling niya na maging asawa niya ito. Pagdating ng mga mensahero sa Carmel, sinabi nila kay Abigail, “Pinapunta kami ni David sa iyo upang sunduin ka at gawing asawa niya.” Lumuhod si Abigail at sinabi, “Pumapayag ako. Handa akong paglingkuran siya pati na ang kanyang mga alipin.” Dali-daling sumakay si Abigail sa asno at sumama sa mga mensahero ni David. Kasama niya ang lima niyang aliping babae at naging asawa siya ni David. Pinakasalan din ni David si Ahinoam na taga-Jezreel, at dalawa silang naging asawa ni David. Ang unang asawa ni David na si Mical ay ibinigay ni Saul kay Paltiel na anak ni Laish na taga-Galim.