“Oo, sa panahong iyon ay babaguhin ko ang pananalita ng mga tao,
upang maging dalisay na pananalita,
upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ng PANGINOON;
at paglingkuran siya na may pagkakaisa.
Mula sa kabila ng mga ilog ng Etiopia,
ang mga sumasamba sa akin,
ang anak na babae na aking pinapangalat,
ay magdadala ng handog sa akin.
“Sa araw na iyon ay hindi ka mapapahiya
ng dahil sa mga gawa,
na iyong ipinaghimagsik laban sa akin;
sapagkat kung magkagayon aking aalisin sa gitna mo
ang iyong mga taong nagsasayang may pagmamataas,
at hindi ka na magmamalaki pa
sa aking banal na bundok.
Sapagkat aking iiwan sa gitna mo
ang isang mapagpakumbaba at maamong bayan.
Sila'y manganganlong sa pangalan ng PANGINOON,
Ang mga nalabi sa Israel
ay hindi gagawa ng kasamaan,
ni magsasalita man ng mga kasinungalingan;
ni matatagpuan man
ang isang mandarayang dila sa kanilang bibig.
sapagkat sila'y manginginain at hihiga,
at walang tatakot sa kanila.”
Umawit ka nang malakas, O anak na babae ng Zion;
Sumigaw ka, O Israel!
Ikaw ay matuwa at magalak nang buong puso,
O anak na babae ng Jerusalem!
Inalis ng PANGINOON ang mga hatol laban sa iyo,
kanyang iwinaksi ang iyong mga kaaway.
Ang Hari ng Israel, ang PANGINOON, ay nasa gitna mo;
hindi ka na matatakot pa sa kasamaan.
Sa araw na iyon ay sasabihin sa Jerusalem;
“Huwag kang matakot;
O Zion, huwag manghina ang iyong mga kamay.
Ang PANGINOON mong Diyos ay nasa gitna mo,
isang mandirigma na nagbibigay ng tagumpay;
siya'y magagalak sa iyo na may kagalakan;
siya'y tatahimik sa kanyang pag-ibig;
siya'y magagalak sa iyo na may malakas na awitan,
aking pipisanin ang namamanglaw dahil sa
takdang kapistahan.
“Sila'y nagmula sa iyo, aalisin ang kakutyaan sa kanya.
Narito, sa panahong iyon ay aking parurusahan ang lahat ng mga umaapi sa iyo.
At aking ililigtas ang pilay at titipunin ang pinalayas;
at aking papalitan ng kapurihan ang kanilang kahihiyan,
at kabantugan sa buong daigdig.
Sa panahong iyon kayo'y aking ipapasok,
sa panahon na kayo'y aking tinitipon;
oo, aking gagawin kayong bantog at pinupuri
ng lahat ng mga bayan sa daigdig,
kapag ibinalik ko ang inyong mga kapalaran
sa harapan ng inyong paningin,” sabi ng PANGINOON.