Pagkatapos, babaguhin ko ang mga tao, para lahat silaʼy lalapit sa akin at magkakaisang maglilingkod sa akin. Ang aking mga mamamayang nangalat sa kabilang ibayo ng mga ilog ng Etiopia ay magdadala ng mga handog sa akin. “Sa araw na iyon, kayong mga taga-Jerusalem ay hindi na mapapahiya sa lahat ng mga kasalanang ginawa ninyo sa akin, dahil aalisin ko sa inyo ang mga mapagmataas at mayayabang. Kaya wala nang magyayabang doon sa aking banal na bundok. Pero mag-iiwan ako sa Jerusalem ng mga taong aba at mahihirap na hihingi ng tulong sa akin. Ang mga Israelitang ito ay hindi gagawa ng masama; hindi sila magsisinungaling o mandadaya. Kakain at matutulog silang payapa at walang kinatatakutan.” Sinabi ni Zefanias: Kayong mga mamamayan ng Israel, sumigaw kayo sa tuwa! Kayong mga mamamayan ng Zion, ang lungsod ng Jerusalem, umawit kayo at magalak nang buong puso! Sapagkat hindi na kayo parurusahan ng PANGINOON. Palalayasin niya ang inyong mga kaaway. Kasama ninyo ang PANGINOON, ang Hari ng Israel, kaya wala nang kasawiang dapat pang katakutan. Sa araw na iyon, sasabihin ng mga tao sa mga taga-Jerusalem, “Mga mamamayan ng Zion, huwag kayong matakot; magpakatatag kayo. Sapagkat kasama ninyo ang PANGINOON na inyong Dios. Katulad siya ng isang makapangyarihang sundalo na magliligtas sa inyo. Magagalak siya sa inyo, at sa pamamagitan ng kanyang pag-ibig ay babaguhin niya ang inyong buhay. Aawit siya nang may kagalakan dahil sa inyo, gaya ng taong nagsasaya sa araw ng kapistahan.” Sinabi pa ng PANGINOON, “Ililigtas ko kayo sa kasawian para hindi na kayo malagay sa kahihiyan. Sa araw na iyon, parurusahan ko ang lahat ng umaapi sa inyo. Kayo ay parang mga tupang napilay at nangalat, pero ililigtas ko kayo at titipuning muli. Inilagay kayo sa kahihiyan noon, pero pararangalan ko kayo at gagawing tanyag sa buong mundo. Oo, titipunin ko kayo sa araw na iyon at pababalikin ko kayo sa inyong bansa. Pararangalan ko kayo at gagawing tanyag sa buong mundo. Mangyayari ito sa araw na panumbalikin ko ang inyong mabuting kalagayan at makikita ninyo mismo ito. Ako, ang PANGINOON, ang nagsasabi nito.”
Basahin Zefanias 3
Makinig sa Zefanias 3
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng Bersyon: Zefanias 3:9-20
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas