Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA AWIT 22:19-31

MGA AWIT 22:19-31 ABTAG01

Ngunit ikaw, O PANGINOON, huwag kang lumayo! O ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan ako! Mula sa tabak, kaluluwa ko'y iligtas mo, ang aking buhay mula sa kapangyarihan ng aso! Mula sa bibig ng leon ako'y iyong iligtas, sagutin mo ako mula sa mga sungay ng torong mailap! Sa aking mga kapatid ay ipahahayag ko ang iyong pangalan, pupurihin kita sa gitna ng kapulungan: Kayong natatakot sa PANGINOON, magpuri kayo sa kanya! Kayong lahat na binhi ni Jacob, luwalhatiin ninyo siya, at magsitayong may paggalang sa kanya, kayong lahat na mga anak ni Israel. Sapagkat hindi niya hinamak o kinapootan man ang kadalamhatian ng nagdadalamhati; at hindi niya ikinubli ang kanyang mukha sa kanya; kundi pinakinggan nang siya'y dumaing sa kanya. Sa iyo nanggagaling ang aking papuri sa dakilang kapulungan; tutuparin ko ang aking mga panata sa harapan ng mga sa kanya'y gumagalang. Ang dukha ay kakain at masisiyahan, yaong mga humanap sa kanya ay magpupuri sa PANGINOON! Mabuhay nawa ang inyong mga puso magpakailanman. Maaalala ng lahat ng mga dulo ng lupa, at sa PANGINOON ay manunumbalik sila; at lahat ng mga sambahayan ng mga bansa ay sa harapan mo magsisamba. Sapagkat sa PANGINOON ang kaharian, at siya ang namumuno sa mga bansa. Oo, sa kanya ang lahat ng masasagana sa lupa ay kakain at sasamba; sa harapan niya ay yumuyukod ang lahat ng bumabalik sa alabok, at siya na hindi mapapanatiling buháy ang kanyang kaluluwa. Ang susunod na salinlahi sa kanya ay magsisilbi, ang Panginoon ay ibabalita ng mga tao sa darating na salinlahi. Sila'y darating at maghahayag ng kanyang katuwiran sa isang bayang isisilang, na dito ay siya ang may kagagawan.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa MGA AWIT 22:19-31