Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Salmo 22:19-31

Salmo 22:19-31 ASND

Ngunit kayo, PANGINOON, huwag nʼyo akong lalayuan. Kayo ang aking kalakasan; magmadali kayo at akoʼy tulungan. Iligtas nʼyo ang buhay ko sa espada ng aking mga kaaway na tulad ng mga pangil ng aso, o mga kuko ng leon, o sungay ng toro. Sagutin nʼyo po ang aking dalangin. Ikukuwento ko sa aking mga kababayan ang lahat ng tungkol sa inyo. At sa gitna ng kanilang pagtitipon, kayo ay aking papupurihan. Kayong may takot sa PANGINOON, purihin ninyo siya! Kayong mga lahi ni Jacob na siyang bayan ng Israel, parangalan ninyo siya at matakot kayo sa kanya! Hindi niya binabalewala ang mga mahihirap. Hindi niya sila tinatalikuran, sa halip ay pinakikinggan pa niya ang kanilang mga pagtawag. PANGINOON, bigyan nʼyo ako ng kasiglahan na magpuri sa inyo sa gitna ng buong sambayanan. Sa gitna ng mga taong may takot sa inyo, tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo. Kakain ang mga dukha hanggang sa mabusog. Pupurihin kayo ng mga lumalapit sa inyo. Sanaʼy sumakanila ang mabuti at mahabang buhay magpakailanman. PANGINOON, maaalala kayo ng tao sa buong mundo, at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo, sapagkat kayo ang naghahari, at namumuno sa lahat ng bansa. Kaya magdiriwang at sasamba sa inyo ang lahat ng mayayaman sa buong mundo. Luluhod sa inyo ang lahat ng mga mortal, ang mga babalik sa alikabok. Ang susunod na salinlahi ay maglilingkod sa inyo. At tuturuan nila ang kanilang mga anak ng tungkol sa inyo, PANGINOON. Balang araw, silang hindi pa ipinapanganak ay malalaman ang mga ginawa nʼyo, at maging ang pagliligtas nʼyo sa inyong mga mamamayan.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Salmo 22:19-31