Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA AWIT 18:25-50

MGA AWIT 18:25-50 ABTAG01

Sa tapat ay ipinakita mo ang iyong sarili bilang tapat; sa mga walang dungis ay ipinakita mo ang sarili bilang walang dungis. Sa dalisay ay ipinakita mo ang sarili bilang dalisay; at sa liko ay ipinakita mo ang sarili bilang masama. Sapagkat iyong ililigtas ang mapagpakumbabang bayan, ngunit ang mga mapagmataas na mata ay ibababa mo naman. Oo, iyong papagniningasin ang aking ilawan; pinaliliwanag ng PANGINOON kong Diyos ang aking kadiliman. Oo, sa pamamagitan mo ang isang hukbo ay madudurog ko, at sa pamamagitan ng aking Diyos ang pader ay aking malulukso. Tungkol sa Diyos—sakdal ang lakad niya; ang salita ng PANGINOON ay subok na; siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kanya. Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang PANGINOON? At sino ang malaking bato, maliban sa ating Diyos? Ang Diyos na nagbibigkis sa akin ng kalakasan, at ginagawang ligtas ang aking daan. Kanyang ginagawa ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa, at sa mataas na dako ako'y matatag na inilalagay niya. Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa pakikidigma, anupa't kayang baluktutin ng aking mga kamay ang panang tanso. Ang kalasag ng iyong pagliligtas sa akin ay ibinigay mo, at ng iyong kanang kamay ay inalalayan ako, at pinadakila ako ng kahinahunan mo. Maluwag na lugar ay binibigyan mo ako, para sa aking mga hakbang sa ilalim ko, at hindi nadulas ang mga paa ko. Hinabol ko ang aking mga kaaway, at inabutan ko sila, at hindi bumalik hanggang sa malipol sila. Ganap ko silang sinaktan kaya't sila'y hindi makatayo; sila'y nalugmok sa ilalim ng aking mga paa. Sapagkat binigkisan ako ng lakas para sa pakikipaglaban; pinalubog mo sa ilalim ko ang sa akin ay sumalakay. Pinatatalikod mo sa akin ang mga kaaway ko, at yaong napopoot sa akin ay winasak ko. Sila'y humingi ng tulong, ngunit walang magligtas, sila'y dumaing sa PANGINOON, subalit sila'y hindi niya tinugon. Dinurog ko silang gaya ng alabok sa harap ng hangin; inihagis ko sila na gaya ng putik sa mga lansangan. Sa mga pakikipagtalo sa taong-bayan ako ay iniligtas mo; at sa mga bansa'y ginawa mo akong puno, ang naglingkod sa akin ay mga di ko kilalang mga tao. Pagkarinig nila sa akin ay sinunod nila ako; ang mga dayuhan sa akin ay nagsisisuko. Nanlulupaypay ang mga dayuhan, sila'y nagsisilabas na nanginginig mula sa dakong kanilang pinagtataguan. Buháy ang PANGINOON; at purihin ang aking malaking bato; at dakilain ang Diyos na kaligtasan ko. Ang Diyos na nagbigay sa akin ng paghihiganti at nagpapasuko ng mga tao sa ilalim ko, inililigtas niya ako sa mga kaaway ko. Oo, sa mga naghihimagsik laban sa akin ay itinaas mo ako, inililigtas mo ako sa mararahas na tao. Dahil dito'y magpapasalamat ako sa iyo, O PANGINOON, sa gitna ng mga bansa, at aawit ako ng mga pagpupuri sa pangalan mo. Mga dakilang tagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang pinahiran ng langis, kay David at sa kanyang binhi magpakailanman.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa MGA AWIT 18:25-50

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya