Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Awit 18:25-50

Mga Awit 18:25-50 RTPV05

Tapat ka, O Diyos, sa mga tapat sa iyo, at napakabuti mo sa mabubuting tao. Ikaw ay mabait sa taong matuwid, ngunit sa masama, ikaw ay malupit. Ang mapagpakumbabá ay inililigtas mo, ngunit iyong ibinabagsak ang mga palalo. Ikaw, O Yahweh, ang nagbibigay sa akin ng ilaw; inaalis mo, O Diyos, ang aking kadiliman. Pinapalakas mo ako laban sa kaaway, upang tanggulan nito ay aking maagaw. Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa, at maaasahan ang kanyang salita! Siya ay kalasag ng mga umaasa, at ng naghahanap ng kanyang kalinga. Si Yahweh lamang ang Diyos na tunay; tanging Diyos lamang ang batong tanggulan. Ang Diyos na sa aki'y nagbibigay-lakas, sa daraanan ko'y siyang nag-iingat. Tulad ng usa, tiyak ang aking mga hakbang, inaalalayan niya ako sa mga kabundukan. Sinasanay niya ako sa pakikipagdigma, upang mabanat ko ang pinakamatigas na pana. Iniingatan mo ako at inililigtas; sa iyong pagkalinga, ako ngayo'y tanyag, sa iyong pagtulong, ako'y naging matatag. Inalalayan mo sa bawat paghakbang, ang mga paa ko'y ni hindi nadulas. Mga kaaway ko'y aking hinahabol, di ako tumitigil hanggang di sila nalilipol. Di sila makabangon kapag ako'y sumalakay; sa paanan ko'y bagsak sila at talunan. Pinapalakas mo ako para sa labanan, at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway. Mga kaaway ko'y pinapaatras mo, mga napopoot sa akin ay pinupuksa ko. Humihingi sila ng saklolo ngunit walang tumutulong, tumatawag rin kay Yahweh ngunit hindi siya tumutugon. Dinurog ko sila, hanggang sa matulad sa pinong alikabok na ipinapadpad; aking itinapon, niyapak-yapakan kagaya ng putik sa mga lansangan. Sa mapanghimagsik na bayan ako'y iniligtas mo, sa maraming bansa'y ginawa mo akong pangulo. Ang aking nasasakupan ngayo'y marami na, kahit na nga sila ay hindi ko kilala. Sa bawat utos ko, sila'y sumusunod, maging mga dayuhan, sa aki'y yumuyukod. Nawawalan sila ng lakas ng loob, nanginginig papalabas sa kanilang muog. Buháy si Yahweh, Diyos ko't Tagapagligtas, matibay kong muog, purihin ng lahat! Ang kanyang kadakilaa'y ating ipahayag! Pinagtatagumpay niya ako sa mga kaaway, mga bansa'y ipinapailalim niya sa aking paanan; at inililigtas niya ako sa aking mga kalaban. Laban sa mararahas, ako'y pinagtatagumpay, sa aking kaaway, ika'y aking kalasag at patnubay. Sa lahat ng bansa ika'y aking pupurihin, ang karangalan mo'y aking aawitin, ang iyong pangalan, aking sasambahin. Dakilang tagumpay ibinibigay ng Diyos sa kanyang hari; tapat na pag-ibig ipinadarama niya sa kanyang pinili, kay David at sa lahat ng kanyang salinlahi.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mga Awit 18:25-50

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya