Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA AWIT 18

18
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ng Panginoon, na iniukol ang mga salita ng awit na ito sa Panginoon nang araw na iligtas siya ng Panginoon sa kamay ng lahat niyang mga kaaway, at mula sa kamay ni Saul. Sinabi niya:
1Iniibig kita, O Panginoon, aking kalakasan.
2Ang Panginoon ay aking malaking bato, at aking muog, at tagapagligtas ko,
aking Diyos, aking malaking bato na sa kanya'y nanganganlong ako;
aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, matibay na kuta ko.
3Ako'y tumatawag sa Panginoon na marapat purihin,
at naligtas ako sa aking mga kaaway.
4Nakapulupot sa akin ang mga tali ng kamatayan
inaalon ako ng mga baha ng kasamaan.
5Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko,
hinarap ako ng mga bitag ng kamatayan.
6Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon,
sa aking Diyos ay humingi ako ng tulong.
Mula sa kanyang templo ay napakinggan niya ang aking tinig.
At ang aking daing sa kanya ay nakarating sa kanyang pandinig.
7Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa,
ang mga saligan ng mga bundok ay nanginig
at nauga, sapagkat siya'y galit.
8Ang usok ay pumailanglang mula sa mga butas ng kanyang ilong,
at mula sa kanyang bibig ay apoy na lumalamon,
at sa pamamagitan niyon, mga baga ay nag-aapoy.
9Kanyang iniyuko ang mga langit at bumaba;
ang makapal na kadiliman ay nasa ilalim ng kanyang mga paa.
10At siya'y sumakay sa isang kerubin, at lumipad,
siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.
11Ginawa niyang panakip ang kadiliman,
ang kanyang kulandong sa palibot niya ay mga kadiliman ng tubig, at mga makakapal na ulap sa langit.
12Mula sa kaliwanagang nasa harapan niya
ay lumabas ang kanyang mga ulap,
ang mga granizo at mga bagang apoy.
13Ang Panginoon ay kumulog din sa mga langit,
at sinalita ng Kataas-taasan ang kanyang tinig, mga yelo at mga bagang apoy.
14At kanyang itinudla ang kanyang mga pana, at pinangalat sila,
nagpakidlat siya at ginapi sila.
15Nang magkagayo'y nakita ang sa mga dagat na lagusan,
at ang mga saligan ng sanlibutan ay nahubaran,
sa iyong pagsaway, O Panginoon,
sa hihip ng hinga ng mga butas ng iyong ilong.
16Siya'y nakaabot mula sa itaas, kinuha niya ako;
mula sa maraming tubig ay sinagip niya ako.
17Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
at sa mga napopoot sa akin,
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
18Sila'y nagsidating sa akin sa araw ng aking kasakunaan,
ngunit ang Panginoon ang aking gabay.
19Inilabas niya ako sa maluwag na dako;
iniligtas niya ako, sapagkat sa akin siya'y nalulugod.
20Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ako'y kanyang ginantihan.
21Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
at sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
22Sapagkat lahat niyang mga batas ay nasa harapan ko,
at ang kanyang mga tuntunin sa akin ay hindi ko inilayo.
23Ako'y walang dungis sa harapan niya,
at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
24Kaya't ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kanyang harapan.
25Sa tapat ay ipinakita mo ang iyong sarili bilang tapat;
sa mga walang dungis ay ipinakita mo ang sarili bilang walang dungis.
26Sa dalisay ay ipinakita mo ang sarili bilang dalisay;
at sa liko ay ipinakita mo ang sarili bilang masama.
27Sapagkat iyong ililigtas ang mapagpakumbabang bayan,
ngunit ang mga mapagmataas na mata ay ibababa mo naman.
28Oo, iyong papagniningasin ang aking ilawan;
pinaliliwanag ng Panginoon kong Diyos ang aking kadiliman.
29Oo, sa pamamagitan mo ang isang hukbo ay madudurog ko,
at sa pamamagitan ng aking Diyos ang pader ay aking malulukso.
30Tungkol sa Diyos—sakdal ang lakad niya;
ang salita ng Panginoon ay subok na;
siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kanya.
31Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang Panginoon?
At sino ang malaking bato, maliban sa ating Diyos?
32Ang Diyos na nagbibigkis sa akin ng kalakasan,
at ginagawang ligtas ang aking daan.
33Kanyang#Hab. 3:19 ginagawa ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa,
at sa mataas na dako ako'y matatag na inilalagay niya.
34Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa pakikidigma,
anupa't kayang baluktutin ng aking mga kamay ang panang tanso.
35Ang kalasag ng iyong pagliligtas sa akin ay ibinigay mo,
at ng iyong kanang kamay ay inalalayan ako,
at pinadakila ako ng kahinahunan mo.
36Maluwag na lugar ay binibigyan mo ako, para sa aking mga hakbang sa ilalim ko,
at hindi nadulas ang mga paa ko.
37Hinabol ko ang aking mga kaaway, at inabutan ko sila,
at hindi bumalik hanggang sa malipol sila.
38Ganap ko silang sinaktan kaya't sila'y hindi makatayo;
sila'y nalugmok sa ilalim ng aking mga paa.
39Sapagkat binigkisan ako ng lakas para sa pakikipaglaban;
pinalubog mo sa ilalim ko ang sa akin ay sumalakay.
40Pinatatalikod mo sa akin ang mga kaaway ko,
at yaong napopoot sa akin ay winasak ko.
41Sila'y humingi ng tulong, ngunit walang magligtas,
sila'y dumaing sa Panginoon, subalit sila'y hindi niya tinugon.
42Dinurog ko silang gaya ng alabok sa harap ng hangin;
inihagis ko sila na gaya ng putik sa mga lansangan.
43Sa mga pakikipagtalo sa taong-bayan ako ay iniligtas mo;
at sa mga bansa'y ginawa mo akong puno,
ang naglingkod sa akin ay mga di ko kilalang mga tao.
44Pagkarinig nila sa akin ay sinunod nila ako;
ang mga dayuhan sa akin ay nagsisisuko.
45Nanlulupaypay ang mga dayuhan,
sila'y nagsisilabas na nanginginig mula sa dakong kanilang pinagtataguan.
46Buháy ang Panginoon; at purihin ang aking malaking bato;
at dakilain ang Diyos na kaligtasan ko.
47Ang Diyos na nagbigay sa akin ng paghihiganti
at nagpapasuko ng mga tao sa ilalim ko,
48inililigtas niya ako sa mga kaaway ko.
Oo, sa mga naghihimagsik laban sa akin ay itinaas mo ako,
inililigtas mo ako sa mararahas na tao.
49Dahil#Ro. 15:9 dito'y magpapasalamat ako sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
at aawit ako ng mga pagpupuri sa pangalan mo.
50Mga dakilang tagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay
at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang pinahiran ng langis,
kay David at sa kanyang binhi magpakailanman.

Kasalukuyang Napili:

MGA AWIT 18: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in