Iniibig kita, O PANGINOON, aking kalakasan.
Ang PANGINOON ay aking malaking bato, at aking muog, at tagapagligtas ko,
aking Diyos, aking malaking bato na sa kanya'y nanganganlong ako;
aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, matibay na kuta ko.
Ako'y tumatawag sa PANGINOON na marapat purihin,
at naligtas ako sa aking mga kaaway.
Nakapulupot sa akin ang mga tali ng kamatayan
inaalon ako ng mga baha ng kasamaan.
Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko,
hinarap ako ng mga bitag ng kamatayan.
Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa PANGINOON,
sa aking Diyos ay humingi ako ng tulong.
Mula sa kanyang templo ay napakinggan niya ang aking tinig.
At ang aking daing sa kanya ay nakarating sa kanyang pandinig.
Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa,
ang mga saligan ng mga bundok ay nanginig
at nauga, sapagkat siya'y galit.
Ang usok ay pumailanglang mula sa mga butas ng kanyang ilong,
at mula sa kanyang bibig ay apoy na lumalamon,
at sa pamamagitan niyon, mga baga ay nag-aapoy.
Kanyang iniyuko ang mga langit at bumaba;
ang makapal na kadiliman ay nasa ilalim ng kanyang mga paa.
At siya'y sumakay sa isang kerubin, at lumipad,
siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.
Ginawa niyang panakip ang kadiliman,
ang kanyang kulandong sa palibot niya ay mga kadiliman ng tubig, at mga makakapal na ulap sa langit.
Mula sa kaliwanagang nasa harapan niya
ay lumabas ang kanyang mga ulap,
ang mga granizo at mga bagang apoy.
Ang PANGINOON ay kumulog din sa mga langit,
at sinalita ng Kataas-taasan ang kanyang tinig, mga yelo at mga bagang apoy.
At kanyang itinudla ang kanyang mga pana, at pinangalat sila,
nagpakidlat siya at ginapi sila.
Nang magkagayo'y nakita ang sa mga dagat na lagusan,
at ang mga saligan ng sanlibutan ay nahubaran,
sa iyong pagsaway, O PANGINOON,
sa hihip ng hinga ng mga butas ng iyong ilong.
Siya'y nakaabot mula sa itaas, kinuha niya ako;
mula sa maraming tubig ay sinagip niya ako.
Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
at sa mga napopoot sa akin,
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
Sila'y nagsidating sa akin sa araw ng aking kasakunaan,
ngunit ang PANGINOON ang aking gabay.
Inilabas niya ako sa maluwag na dako;
iniligtas niya ako, sapagkat sa akin siya'y nalulugod.
Ginantimpalaan ako ng PANGINOON ayon sa aking katuwiran;
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ako'y kanyang ginantihan.
Sapagkat ang mga daan ng PANGINOON ay aking iningatan,
at sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
Sapagkat lahat niyang mga batas ay nasa harapan ko,
at ang kanyang mga tuntunin sa akin ay hindi ko inilayo.
Ako'y walang dungis sa harapan niya,
at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
Kaya't ginantimpalaan ako ng PANGINOON ayon sa aking katuwiran,
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kanyang harapan.
Sa tapat ay ipinakita mo ang iyong sarili bilang tapat;
sa mga walang dungis ay ipinakita mo ang sarili bilang walang dungis.
Sa dalisay ay ipinakita mo ang sarili bilang dalisay;
at sa liko ay ipinakita mo ang sarili bilang masama.
Sapagkat iyong ililigtas ang mapagpakumbabang bayan,
ngunit ang mga mapagmataas na mata ay ibababa mo naman.
Oo, iyong papagniningasin ang aking ilawan;
pinaliliwanag ng PANGINOON kong Diyos ang aking kadiliman.
Oo, sa pamamagitan mo ang isang hukbo ay madudurog ko,
at sa pamamagitan ng aking Diyos ang pader ay aking malulukso.
Tungkol sa Diyos—sakdal ang lakad niya;
ang salita ng PANGINOON ay subok na;
siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kanya.
Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang PANGINOON?
At sino ang malaking bato, maliban sa ating Diyos?
Ang Diyos na nagbibigkis sa akin ng kalakasan,
at ginagawang ligtas ang aking daan.