Iyong sinasaway ang mga walang galang, ang mga sinumpa na lumalayo sa iyong mga utos. Ang paglibak at pagkutya sa akin ay alisin mo, sapagkat iningatan ko ang iyong mga patotoo. Bagaman ang mga pinuno ay umuupong nagsasabwatan laban sa akin; ang lingkod mo'y magbubulay-bulay sa iyong mga tuntunin. Aking kasiyahan ang iyong mga patotoo, ang mga iyon ay aking mga tagapayo. Dumidikit sa alabok ang kaluluwa ko; muli mo akong buhayin ayon sa iyong salita. Nang ipahayag ko ang aking mga lakad, sinagot mo ako; ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo! Ipaunawa mo sa akin ang daan ng mga panuntunan mo, at aking bubulay-bulayin ang kahanga-hangang mga gawa mo. Ang kaluluwa ko'y natutunaw dahil sa kalungkutan; palakasin mo ako ayon sa iyong salita! Ilayo mo sa akin ang mga maling daan; at malugod na ituro mo sa akin ang iyong kautusan! Ang daan ng katapatan ay pinili ko, ang mga tuntunin mo'y inilagay ko sa harapan ko. Ako'y kumapit sa iyong mga patotoo, O PANGINOON; sa kahihiyan ay ilayo mo ako! Ako'y tatakbo sa daan ng mga utos mo, kapag iyong pinalaki ang puso ko! Ituro mo sa akin, O PANGINOON, ang daan ng iyong mga batas, at ito'y aking iingatan hanggang sa wakas. Bigyan mo ako ng pang-unawa upang aking maingatan ang kautusan mo, at akin itong susundin ng buong puso ko. Akayin mo ako sa landas ng mga utos mo, sapagkat aking kinaluluguran ito. Ikiling mo ang aking puso sa iyong mga patotoo, at huwag sa pakinabang. Ilayo mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan; at bigyan mo ako ng buhay sa iyong mga daan. Pagtibayin mo ang iyong pangako sa lingkod mo, na para sa mga natatakot sa iyo. Ilayo mo ang kahihiyan na aking kinatatakutan; sapagkat ang mga batas mo'y mainam. Ako'y nasasabik sa iyong mga panuntunan, bigyan mo ako ng buhay sa iyong katuwiran. O PANGINOON, paratingin mo rin sa akin ang iyong tapat na pagsuyo, ang iyong pagliligtas ayon sa iyong pangako; sa gayo'y may maisasagot ako sa mga taong sa aki'y umaalipusta, sapagkat ako'y nagtitiwala sa iyong salita. At huwag mong lubos na kunin ang salita ng katotohanan mula sa bibig ko, sapagkat ako'y umasa sa mga batas mo. Lagi kong susundin ang iyong kautusan, magpakailanpaman. At lalakad ako na may kalayaan; sapagkat aking hinanap ang iyong mga panuntunan. Magsasalita rin ako tungkol sa iyong mga patotoo sa harapan ng mga hari, at hindi ako mapapahiya. At ako'y natutuwa sa iyong mga utos, na aking iniibig. Itataas ko ang aking mga kamay sa iyong mga utos, na iniibig ko, at ako'y magbubulay-bulay sa mga batas mo.
Basahin MGA AWIT 119
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng Bersyon: MGA AWIT 119:21-48
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas