Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Awit 119:21-48

Mga Awit 119:21-48 RTPV05

Ang mga mapagmataas, iyong pinaparusahan; at iyong isinusumpa ang sa utos mo ay laban. Sa ganitong mga tao'y ilayo mo akong ganap, yamang ang iyong kautusan ay siya kong tinutupad. Kahit ako ay usigi't labanan ng pamunuan, itong iyong abang lingkod sa utos mo'y mag-aaral. Ang buo mong kautusan sa akin ay umaaliw, siyang gurong nagpapayo sa lahat kong suliranin. Ako'y gapi't lupasay na sa bunton ng alikabok, sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos. Ang aking mga gawang kamalia'y pinatawad mo, ang tuntunin mo at aral, sa lingkod mo'y ituro. Tulungang maunawaan, iyong mga kautusan, iyong kahanga-hangang gawa, lubos kong pag-aaralan. Damdam ko ba sa sarili, naghahari'y pawang lungkot; sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos. Sa landas na di matuwid, huwag mo akong hahayaan, pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral. Ang pasya ko sa sarili, ako'y maging masunurin, sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling. Itong mga tuntunin mo, O Yahweh, ay sinunod ko; huwag nawang hahayaang mapahiya ang lingkod mo. Ang lahat mong mga utos, ay malugod kong susundin, dahilan sa pang-unawang ibibigay mo sa akin. Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan, at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay. Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod, buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos. Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan, pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam. Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos, higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos. Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay; at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay. Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod, ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot. Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam, sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay! Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin, pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain. Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo, ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako; upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko, yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo. Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan, pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan. Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan, susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay. Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya, yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa. At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin, hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin. Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis, di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig. Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang, sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.